April 16, 2025

EX-PCSO CHIEF GARMA HUMINGI NG ASYLUM SA US

Kinumprima ng abogado ni Royina Garma, dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at retiradong pulis, na nag-apply ito ng asylum sa Estados Unidos.

Sa isang panayam sa Department of Justice, sinabi ni Atty. Emerito Quilang na nagsumite si Garma ng asylum application noong Nobyembre 2024, ilang araw matapos siyang arestuhin sa San Francisco, California, matapos kanselahin ang kanyang visa.

“We are asking for a setting because we are requesting for an asylum. But you know, the government, the US government, is very strict. That’s why there’s no setting yet of our request, hearing for the request of asylum,” pahayag ni Quilang.

Ibinunyag din ni Quilang na may naka-schedule sanang preliminary hearing para sa asylum application ni Garma noong Abril 2, 2025 ngunit ito’y nakansela.

“I am not privy to the things happening there [in the US] in the asylum. What I know is that the asylum was set for initial hearing on April 2 but it was canceled and there is no setting yet,” dagdag niya.

Kasabay ng asylum application ni Garma ang patuloy na mga alegasyong may kinalaman siya sa pagpaslang kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Nagsampa na ng kasong murder at frustrated murder laban kay Garma ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG). Mariing itinanggi ni Garma ang mga paratang.

Sa isang congressional inquiry, inihayag ni Garma na si dating Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nag-utos sa kanyang ipatupad sa buong bansa ang tinawag na “Davao model” ng drug war, na inilarawan niyang isang “system involving payments and rewards.”

Nanatili si Garma sa kustodiya ng US habang hinihintay ang desisyon sa kanyang asylum request.

“If they will grant, then they will release her from detention. If not granted… most probably if they will use, maybe if there’s an extradition treaty or she may come back voluntarily,” paliwanag ni Quilang.

Kinumpirma rin ng DOJ na iniimbestigahan si Garma kaugnay ng iba pang kaso, kabilang ang pagpatay umano sa tatlong hinihinalang Chinese drug lords noong 2016. Ayon kay Quilang, magsusumite ang kanilang kampo ng counter-affidavit sa Mayo 2, 2025.