November 6, 2024

EX-PARTNER NI POKWANG, DEPORTED

Ipina-deport pabalik ng San Francisco ng Bureau of Immigration ang Amerikanong ex-partner ng komedyanteng si Pokwang.

Dahil dito, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na kasama na rin si Lee O’Brian sa blacklist ng BI, na hindi na pinapayagang muli pang makabalik ng bansa.

Nag-ugat ang deportation mula sa inihaing reklamo noong nakaraang taon ng Filipino comedian na si Marietta Subong, na kilala sa pangalang Pokwang. Naghain siya ng deportation case laban sa kanyang ex-partner dahil sa pagtatrabahi nito nang walang kaukulang permit.

Sa kanyang reklamo, inamin ni Pokwang na nagtatrabaho si O’Brian sa iba’t ibang production companes ng walang hawak na required na permit mula sa Department of Labor and Employment at BI.

Napatunayan ng BI na mayroong katotohanan ang nasabing reklamo at ipinag-utos na ipa-deport si O’Brian noong Disyembre dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa. Naghain naman si O’Brian ng motion for reconsideration, na kalaunan ay ibinasura.

Ayon kay Tansingco, ipina-deport si O’Brian noong Abril 8 sakay ng Philippine Airlines flight patungong  San Francisco matapos makumpirma ng BI na wala siyang naka-pending na local case sa Pilipinas.

Sina Subong at O’Brian ay nagkaroon ng relasyon na kalaunan ay naghiwalay din.