December 25, 2024

EX-MAYOR NA NASA ‘NARCO LIST’ PATAY MATAPOS MANG-AGAW NG BARIL

BATANGAS  – Patay ang dating alkalde ng Talitay, Maguindanao na unang naaresto sa Batangas Port sa Batangas City subalit nanlaban umano sa kanyang mga police escort sa lugar ng San Juan City habang ibinabiyahe patungo ng Camp Crame kagabi.

Kinilala ang dating alkalde na nasawi na si  Montasser Sabal, 44-anyos, dating miyembro ng PNP-SAF at residente ng Talitay, Maguindanao.

Ayon sa ipinadalang report ni CIDG NCR Regional Director PCol. Rogarth Campo, kay CIDG Director MGen. Albert Ignatius Ferro, ang suspek ay sakay ng puting van na lulan ng MV Reyna De Luna 4 kasama ang iba pang mga suspek nang maaresto ng mga pinagsanib na puwersa ng CIDG NCR, Batangas CIDG, PDEG at PNP sa Batangas Port dakong alas- 7:00 gabi noong Miyerkules.

Ang iba pang mga nadakip ay kinilalang sina Norayda Nandang y Makmud, 43; Muhaliden Mukaram y Samal, 36 anyos; at Aika de Asis y Meler, 34-anyos.

Narekober mula sa mga ito ang isang M16 A4 Colt AR 15, isang magazine ng M16 A4, anim na bala ng M16 A4, Glock 23 9MM, apat na magazine ng Glock 23 9MM, 44 na bala ng Glock 23 9MM, Grand riffle na may kasamang magazine, isang fragmentation grenade, dalawang plaka, limang cellphone, dalawang kutsilyo, ilang dokumento at perang nagkakahalaga ng 48,840 pesos.

Nasamsam rin ang dalawang heat sealed plastic sachets na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na tumitimbang sa 201.917 grams at 156.365 grams na may street market value na humigit at kumulang na P2.5 milyon ang halaga.

Samantala, sa ginawang follow-up operation ay nahuli rin ng mga awtoridad ang iba pang kasama ni Sabal na kinilalang sina Ailyn Compania y Guiadel, 45; Zuharto Monico y Abdul, 28 at Wilson Santos y Basir, 41.

Sa isinagawang press briefing sa loob ng Camp Crame sinabi ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na nanlaban umano si Sabal sa kanyang mga police escort sa lugar ng San Juan City habang patungo ng Camp Crame kaninang bandang 5:20 ng umaga.

Inagaw umano ni Sabal, ang baril ng kanyang escort na nauwi sa agawan ng armas at nabaril ng mga pulis ang suspek na nagtamo ng sugat sa kaniyang katawan.

Naisugod pa ito sa San Juan Medical Center ngunit binawian rin ng buhay pasado alas-6:00 kaninang umaga.

Dagdag pa ng PNP Chief na si Sabal ay dating miyembro ng PNP-SAF simula noon 1998-2010 na may specialized trainings sa Intelligence, Urban Counter Revolutionary Warfare Course, Explosive Ordinance Disposal at Sniper’s Course na kabilang  din sa listahan ng National Watch list on Illegal Drugs (NWID).

Kasama rin umano ito sa mga may kagagawan at utak sa nangyaring Davao City bombing noong September 2016.

Dati rin itong sinuspinde ng Ombudsman dahil sa bigo nitong ideklara ang kaniyang mga negosyo at mga ari-arian. Taga-suporta at supplier din umano si Sabal ng mga armas ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na kaalyado naman ng Dawlah Islamiya-ISIS terrorist. (Koi Hipolito)