December 24, 2024

EU at Pilipinas lumagda sa dalawang financing agreement para sa Mindanao Region

GAGAMITING pondo para sa pagsulong at pagpapanatili ng kapayapaan sa Mindanao ang ₱3.4-B na financing agreement na nilagdaan ngayong araw ng European Union at ng Pilipinas.

Nakasaad sa nilagdaang kasunduan nina Thomas Wiersing, Chargé d’Affaires, a.i., ng EU Delegation at Finance Secretary Carlos Dominguez III sa tanggapan ng DOF sa Maynila na maglalaan ang   EU ng ₱2-B sa ilalim ng “Rise Mindanao” at karagdagang ₱1.4-B sa ilalim ng Support to Bangsamoro Transition o SUBATRA at pangunahin layon na mapasigla ang ekonomiya sa Mindanao hanggang 2025.

Tiniyak ni Wiersing na nananatili ang pagnanais ng EU na magpatuloy at mapalakas ang ugnayan ng Pilipinas at EU sa hinaharap sa pamamagitan ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.

Sinabi ni Wiersing na ang dalawang kasunduan ay patunay ng pangako o commitment ng European Union na makabahagi sa kapayapaan at pag-unlad sa Southern  Philippines.

Ang EU ay mahigit dalawang dekada nang katuwang  ng Pilipinas sa pagsusulong ng kapayapaan,  human security and development  sa Mindanao.

Sa ilalim ng Rise Mindanao Programme tutulungan na magkaroon ng hanapbuhay ang mga magsasaka, kababaihan, kabataan at  mga katutubo sa sektor ng pagsasaka, pangingisda, forestry at makapagtatag ng sarili nilang kooperatiba.

Habang sa SUBATRA Program, ay susuporta ang EU sa transition ng bagong administrasyon ng  Bangsamoro, magtatayo ng mga training facilities at bibigyan ng kagamitan ang mahahalagang institutions.

Ang  programa ay bahagi nang mas malaking package EU cooperation program na inaasahang maisasapinal ngayong taon.