January 24, 2025

ESTUDYANTE MALUBHA SA BALA (Magkalabang gang nagsagupa)

MALABON CITY – Nasa malubhang kalagayan ang isang 17-anyos na estudyante matapos barilin ng tatlong teenager makaraang magsagupa ang dalawang magkalabang gangs sa naturang lungsod.

Isinugod ng kanyang ina sa Tondo Medical Center subalit, kalaunan ay inilipat sa Philippine Orthopedic Center kung saan patuloy na ginagamot ang biktima na itinago sa pangalang “Randy” ng Navotas City.

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot kay Sub-Station 5 commander P/Lt. Zoilo Arquillo ang manhunt operation kontra sa mga suspek na sina Albert Lozano, Ayan Calidro, kapwa ng Blk 13 Hiwas St. Dagat-dagatan, Brgy. Longos at Deniel Soria ng Sawata St. Caloocan City.

Ayon kay Malabon police homicide investigator P/SSgt. Diego Ngippol, naganap ang insidente sa kahabaan ng Hiwas St. Brgy. Longos, matapos ang magkalabang gangs na Original Batang Tondo (OBT) at Stoke Fam (SF) ay magsagupa dakong alas-4 ng madaling araw.

Sa pahayag sa pulisya ng mga nakasaksi, magkakasunod na nagpaputok ng kanilang pen gun ang tatlong suspek na miyembro ng SF gang patungo sa biktima na isang miyembro ng OTB.

Nang mapansin ng dalawang grupo ang presensya ng romespondeng mga pulis at barangay officials ay mabilis nagpulasan ang mga ito sa magkahiwalay na direksyon habang naiwan ang duguang biktima.