November 24, 2024

ESTUDYANTE, MAGHAHATI-HATI SA MODULES SA SUSUNOD NA TAON (DepEd kinapos sa budget)

MAARING maghati-hati muna sa learning modules ang mga estudyante sa susunod na taon dahil wala ng sapat na pondo ang Department of Education upang makagawa ng mga learning materials.

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla, para sa unang dalawang grading period ng nalalapit na school year ay makakasunod ang ahensya sa 1:1 module-to-student ratio.

Ngunit ayon kay Sevilla, baka kailangan nang maghati sa mga modules ang ilang mga mag-aaral dahil sa kulang ang pondo ng Deped para sa pag-iimprenta ng materyales sa ilalim ng panukalang 2021 budget.

“Baka in 2021, hindi natin maibigay ang 1:1 kasi ang funding natin [para sa modules] is only P15 billion,” wika ni Sevilla, na paglilinaw sa mga pahayag ng DepEd sa budget hearing sa House of Representatives noong nakalipas na linggo.

Kinakailangan ng kagawaran ng P35-bilyon hanggang P40-bilyon para mapondohan ang paglilimbag ng mga modules sa huling dalawang quarter ng school year, kasama na rin ang susunod na academic year.

Ayon naman kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, paiikutin sa mga estudyante ang mag printed modules.

“Ang importante dito ay nadi-disinfect ang modules bago ito ilipat sa susunod na gagamit, and this is perfectly allowed,” dagdag ni San Antonio.

Una nang inihayag ni Education Sec. Leonor Briones na hindi raw dapat masyadong dumipende ang mga guro at estudyante sa modules dahil sa mahal ang produksyon nito at maging sa negatibong epekto nito sa kalikasan.

Inilaan ng pamahalaan ang P606.5-bilyon sa panukalang P4.5 trilyong budget para sa susunod na taon sa DepEd, na magpapatupad ng distance learning dahil sa coronavirus pandemic.