November 3, 2024

ESTUDYANTE ANG BOSS MO, ‘DI SI DUTERTE (Robredo napuno kay Briones)

Inupakan ni Vice President Leni Robredo si Education Secretary Leonor Briones dahil tanging si Duterte lang ang pinakikinggan nito at hindi ang mga estudyante at mga guro.

Matatandaan na sinabi ni Briones na hindi umano pinapayagan ng Department of Education ang Community Learning Hub ng opisina ni Robredo dahil si Duterte lang ang kanilang sinusunod.

“Pero dahil sa statement nila, siyempre kahit ako naman teacher, kahit ako principal, kahit ako DepEd official na lokal, kahit alam kong mabuti iyong programa, mag-aalala ako na baka pag-initan ako o baka ma-sanction ako kasi nagsabi si Secretary Briones na ayaw nila iyan,” aniya.

“Dapat yung boss ni Secretary Briones ay ‘yung mga bata na kailangan matuto, ‘yung mga teacher na kailangan ng tulong, hindi si Presidente,” saad niya.

“Totoo na si Presidente ‘yung nag-appoint sa kanya. Pero sana naman ipagtanggol niya ‘yung mga bata na nangangailangan ng tulong. Hindi naman dito puwede ‘yung blind obedience,” dagdag pa ni Robredo.

Ipinunto pa ni Robredo na hindi dapat hinahaluan ng politika ang edukasyon.

“Hindi dito puwede ‘yung ginagawa mo, ipi-please mo ‘yung mga nakakataas sayo at the expense ng mga estudyante na natulungan,” dagdag pa niya.

Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, iginiit ni Robredo na walang face-to-face classes sa community learning hubs.

Aniya, tanging tutors lang ang mayroon sa learning hubs na layong tulungan ang mga batang nahihirapan sa pag-aaral at hindi kayang tulungan sa kanilang mga bahay.

“Una, ini-insist nila na merong face-to-face classes yung community learning hubs, alam naman nila Ka Ely na wala. Wala tayong face-to-face classes kasi wala naman tayong teachers. Ang meron, tutors, na kung may batang nahihirapan, pwede siyang magpunta sa center para matulungan,” ani Robredo.

“Ang pinagsisilbihan natin dito yung mga bata, ang pinagsisilbihan natin dito yung mga teachers na nangangailangan ng tulong. Kasi yung sa’kin, totoo na bawal yung face-to-face classes kaya nga naghahanap tayo ng paraan para kahit walang face-to-face classes yung mga difficult learners matulungan,” dagdag pa niya.