November 24, 2024

Eskandalosong lalaki umakayat sa tuktok ng tsimineya ng isang pabrika sa Valenzuela City

SA kulungan ang bagsak ng isang 38-anyos na lalaki matapos bulabugin ng halos dalawang oras ang katahimikan ng gabi makaraang mag-eskandalo habang nakatuntong sa pinakatuktok ng isang tsimeneya ng isang pabrika Martes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Nagising sa mahimbing na pagkakatulog ang mga residenteng naninirahan sa paligid ng 8-Eight Yoggies Manufacturing sa 17 Engracia St., Brgy. Marulas nang marinig ang mga sigaw ni Adrian Camilo Valleser, residente ng 121 Mac Arthur Highway, Brgy. Potrero, Malabon City habang nakatuntong sa pinakadulo ng tsimeneya ng pabrika dakong alas-2:55 ng madaling araw.

Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Ferdinand Ortega, gumapang paakyat ng tsimeneya si Valleser sa hindi pa batid na dahilan at nang marating ang tuktok, tumayo at walang tigil na nagsisigaw ng malakas habang nakataas ang dalawang kamay na naging dahilan upang magising ang residente sa lugar.

Itinawag naman ng mga opisyal ng barangay sa pulisya ang page-eskandalo ni Valleser hanggang sa magresponde na ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3, Special Reaction Unit (SRU) mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), pati na ang mga tauhan ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction Management Office (VCDDRRMO) matapos magbanta ang lalaki na tatalon at magpapatiwakal mula sa ituktok ng tsimenea.

Halos dalawang oras na nakipag-negosasyon si Louie De Mesa ng VCDRRMO sa suspek bago tuluyan siyang nakumbinsi na payagan na ang rescue team na tulungan siyang makababa ng mapayapa sa itutok ng tsimenea.

Kasong alarm and scandal ang inihain ng pulisya kay Valleser nang iharap siya para sa inquest proceedings sa piskalya ng lungsod ng Valenzuela.