June 5, 2025

Escudero sa Isyu ng Delay sa Impeachment Trial ni VP Sara: ‘Di Ako Natatakot!’

MANILA – Matapang na sinagot ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga akusasyong takot umano siya kay Vice President Sara Duterte, dahilan kaya naantala ang pagsisimula ng impeachment trial sa Senado.

“Pain naman ang tanong na ‘yun,” ani Escudero sa ambush interview nitong Martes.

“Ginagawa namin ang trabaho namin. Ang mga komentaryo gaya niyan—galing ‘yan sa mga ayaw kay VP Sara o pabor sa impeachment. Sa akin, walang saysay ‘yan.”

Ang pahayag ni Escudero ay tugon sa banat ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, isa sa mga nag-endoso ng impeachment complaint laban kay Duterte. Tanong ni Cendaña: “Takot ka ba, Chiz?”

Nilinaw ni Escudero na tanging batas at tamang proseso ang kanyang sinusunod, hindi ang political pressure mula sa magkabilang kampo.

“Klaro na ‘yang mga komentaryong ‘yan ay mula sa mga tutol kay VP Sara. Hayaan natin silang ipahayag ang gusto nila,” aniya.

Hindi rin nagpigil si Escudero sa pagpuna sa mabagal umanong aksyon ng Kamara, na apat na buwan bago ipasa ang Articles of Impeachment sa Senado.

“Kung sila mismo ang hindi nagmadali at inupuan ‘yan nang matagal, sino sila para madaliin kami ngayon?” ani Escudero.

Binatikos ng Makabayan bloc at ng mga opposition lawmakers ang Senate leadership sa umano’y pagprotekta kay Duterte. Giit nila, dapat “forthwith” o agad magsimula ang paglilitis base sa Saligang Batas.

Pero giit ni Escudero, kailangang pagbotohan muna ito sa plenaryo ng Senado, alinsunod sa kanilang internal rules.