December 26, 2024

ESCUDERO NANUMPA KAY CJ GEZMUNDO

Nanumpa si Senator-elect Francis “Chiz” Escudero ngayong araw kay Chief Justice Alexander Gesmundo sa Supreme Court.

Kasama niya ang kanyang ina na si outgoing Sorsogon Representative Evelina Escudero at kanyang kapatid na si incoming Sorsogon Representative Marie Bernadette Escudero.

Sa isang statement, sinabi ng nagbabalik na mambabatas na nais niya na maging boses ng local government units sa Senado upang matiyak na ang local government units ay mabibigyang kapangyarihan at awtonomiya bilang mandato ng 1987 Constitution at Republic Act 7160 o Local Government Code 1992.

“Kagaya ng aking naipangako, ipaglalaban ko at tatanggalin ko ang lahat ng mga balakid kaugnay sa tunay na autonomiya ng mga lokal na pamahalaan,” wika ni Escudero.

“Base sa aking karanasan bilang gobernador, maraming memorandum, circular at IRR ang inisyu ng DBM, COA, DILG at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na kung saan tinalian nila ng kamay ang mga lokal na pamahalaan at hindi nakamit ang tunay ng autonimiya na nakasaad  sa Saligang Batas,”  dagdag niya.

Sinabi rin ng mambabatas na makikipagtulungan siya sa papasok na administrasyon at sa kanyang mga kasamahan sa Senado para maipasa ang P5.2-trillion spending package para sa 2023 upang mapalago ang ekonomiya at mabigyan ng tulong ang mga maliliit na negosyo at sektor ng agrikultura na hanggang ngayon ay umaaray sa epekto ng COVID-19 pandemic.

“Madalas ko ngang sabihin na dapat all hands on deck tayo para sa mabilis na pagbangon at pag-ahon,” giit niya.