November 23, 2024

ES LUCAS BERSAMIN LUSOT SA CA

LUSOT na sa committee level ng Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Executive Secretary Lucas Bersamin. 

Hindi na umabot ng isang oras ang pagtalakay ng kumite sa nominasyon kay Bersamin at agad nang isinulong ni Senador Loren Legarda ang pagrerekomenda nito sa plenary confirmation.

Pangunahing naitanong ni Senador Risa Hontiveros sa opisyal kung ano ang mga hakbang na kanilang ginagawa upang hindi na maulit ang naging problema sa inisyung Sugar Order No. 4 na para kay Bersamin ay maituturing na miscommunication na nagdulot ng kalituhan.

Ipinaliwanag ni Bersamin na upang maiwasang maulit ang ganitong pangyayari, mahigpit ang tagubilin niya sa lahat ng mga tauhan na tiyakin ang maayos na koordinasyon sa lahat ng mga usapin at isyu sa tanggapan lalo na kung may kinalaman kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos bukod pa sa agarang komunikasyon direkta sa Pangulo sa tuwing mayroong isyu na dapat pagdesisyunan. 

Natanong naman ni Sen. Imee Marcos ang dating chief justice sa mga isinasagawang hakbang upang mapabilis na ang pagtatalaga ng mga pinuno ng mahahalagang ahensya tulad ng Department of Health at iba pang priority areas.

Itinugon naman ni Bersamin na sa ngayon ay patuloy din ang pag-aaral nila sa sitwasyon lalo na sa mga co-terminous appointee kung saan mayroon din silang self impose deadline na hanggang December 31. 

Ibinahagi rin ni Bersamin na nahirapan sila sa paghahanap ng mga dokumento dahil hindi sila nagkaroon nang maayos na transition ng kanyang pinalitan.

Tiniyak din ni Bersamin na walang epekto sa hudikatura ang pagtanggap niya ng posisyon sa executive dahil hindi na siya konektado sa judiciary nang siya ay italaga sa bagong posisyon.

Si Bersamin ay nagsilbi bilang ika-25 chief justice ng bansa bago naging chairman ng board of trustess ng GSIS at saka naitalaga bilang executive secretary.