Hindi napigilan ng isang ina na ilabas ang kanyang sama ng loob sa bagong pamunuan ng Taytay Emergency Hospital matapos itong isara noong Disyembre 1, 2023.
Ayon sa Facebook post ni Meliza Jean Alagos-Almudin, isinugod niya sa nasabing ospital ang kanyang duguan na anak matapos itong maaksidente nitong Bagong Taon pero laking gulat niya na pansamantala itong isinara dahil kailangan itong gamitan ng ultraviolet light (UV) para sa disinfection.
“Ito ‘yung tipong naging angry bird at incredible hulk ako sa galit kanina nung nakita kong may tama ng dugo ‘yung anak ko,” ayon sa post niya.
“Dapat ipasara na ang Taytay Emergency kung hindi tatanggap ng mga aksidente, ask ko lang ah?,” dagdag pa nito.
Naniniwala naman si dating Mayor Joric Gacula na dapat ipaliwanag ng administrator ng Taytay Municipal Emergency Hospital ang pagsasara ng nasabing ospital lalo na’t sa panahon ng pagsalubong ng Bagong Taon.
“Malaki ang dapat ipaliwanag ng Administrator ng Taytay Municipal Emergency Hospital sa pagkakasara ng Ospital sa panahong ang mga hospital sa buong bansa at sa mundo ay naka abang sa maaring maganap na emergency cases (Oplan Ligtas Putok) dahil sa pag salubong sa bagong taon,” ayon sa dating alkalde.
Aminado naman si Gacula na madami rin pagkukulang ang ospital noong panahon niya ngunit ang kanyang number one rule ay bawal isara ang emergency hospital upang may mapuntahan ang mahihirap na walang pambayad sa pribadong hospital.
“Napakababaw ng dahilan na may Covid infection at kailang ng UV Light. (Kahit sa kasagsagan ng pandemya ay hindi natin isinara ang emergency hospital),” ayon pa sa alkalde.
Ayon sa mga medical experts, 1 hour exposure lang sa ilaw na yan ay malinis na ang lugar.
“Dapat managot kung sino ba talaga ang itinalaga ni Mayor Allan De leon sa Emergency Hospital kung bakit nya pinayagan na ipinasara yan,” giit ni Joric.
“Wala man lang skeletal force o mga OIC na itinalaga sa araw na yan. Malinaw na negligence at betrayal of public trust ang naganap sa pagpapasara ng naturang pubic na ospital ng Taytay,” dagdag pa nito.
“Pag ganyan ang pananaw at katwiran ay nakaka awa ang matatapat na walang pambayad sa private hospitals,” pagpapatuloy pa niya.
Sa ngayon ay normal na ang operasyon ng nasabing ospital.
Sa bahagi naman ni Mayor Allan De Leon, ipinaliwanag nito ang ginawang paglilinis sa nasabing ospital.
“Ganito po tayo maglinis ng Hospital. Hindi po basta nalatagan ng UV o Naisprayan ng alcohol ay ok na,” post ng alkalde, kung saan makikita ang larawan ng mga tauhan na Taytay Emergency Hospital na naglilinis ng nasabing ospital.
“Ospital po ito at hindi basta private nating kwarto… halo-halo ang tao at mikrobyo na naiiwan ng bawat isang tao na may sakit lalo na po kung may nag positive sa Covid… Hindi po porke mababa na ang cases ay babalewalain na po natin ito…. Sa labas pa lang po ito,
mas masinsin at mas kumplikado ung paglilinis sa loob at mga kama at lamesa na hindi naman po basta kakayanin ng mabilisan,” giit pa niya.
“May protocol at may procedure po tayo na sinusunod.. kaya’t humihingi ng pasensya at paumahin sa ilang naapektuhan sa panandaliang pagstop operation ng ER Kayat Kakain po talaga ng oras ang pag disinfect at pag UV.. at hindi po ito madali kasi may RISK din po kayat maingat din talaga….” pagpapatuloy pa nito.
Pero marami pa rin ang nakapuna na mga netizens sa larawan na ipinost ng alkalde kung saan makikita ang mga tauhan ng Taytay Emergency Room na naglilinis na hindi nakasuot ng PPE.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY