May 29, 2025

EPD Todo-Bantay: 24/7 Presensya ng Pulis sa Metro East, Nagbunga ng 9.26% Pagbaba sa Krimen

MANILA — Mas pinaigting ng Eastern Police District (EPD) ang 24/7 presensya ng kapulisan sa Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, bilang bahagi ng kampanya nitong sugpuin ang krimen at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Aden T. Lagradante, Officer-in-Charge ng EPD, inilunsad ang isang masusing estratehiya sa police visibility na nakatuon sa proaktibong crime prevention, agarang police response, at pakikipag-ugnayan sa komunidad.

Kabilang sa mga inisyatibong ipinatupad ay ang masinsinang foot at mobile patrols, deployment ng beat patrol personnel, at pagpapatupad ng mga checkpoint sa mga lugar na may mataas na bilang ng tao gaya ng mga terminal, pamilihan, at mga komunidad.

Ayon sa datos ng EPD, bumaba ng 9.26% ang naitalang krimen sa rehiyon sa loob lamang ng isang linggo — mula 26.28% noong Mayo 12–18, 2025, ay bumaba ito sa 17.02% noong Mayo 19–25. Patunay ito ng epektibong implementasyon ng kanilang visibility-driven policing strategy.

Bukod sa pagbabantay sa lansangan, naglunsad din ang EPD ng mga community engagement programs tulad ng Oplan Bandillo, Ugnayan/Dialogues, pamamahagi ng impormasyon gamit ang IEC materials, at paggamit ng social media upang ipalaganap ang kaalaman at makipag-ugnayan sa publiko.

Sa kanilang kampanya kontra iligal na droga, 44 operasyon ang isinagawa kung saan 62 katao ang naaresto at nasabat ang higit sa 1.2 kilo ng shabu, 3 gramo ng high-grade marijuana (kush), at 1.5 gramo ng marijuana na may halagang aabot sa P8.19 milyon.

Samantala, sa operasyon laban sa mga wanted persons, 44 manhunt operations ang naisagawa kung saan nahuli ang 3 Top Most Wanted, 1 Most Wanted, at 40 iba pang wanted individuals. Sa kampanya laban sa loose firearms at ilegal na sugal, isang baril ang nasabat, 1 katao ang inaresto, at 39 katao ang nahuli sa 21 operasyon, kung saan nakumpiska rin ang P5,701 na betting money.

Sa pahayag ni PBGEN Lagradante: “Ang Eastern Police District ay mananatiling matatag sa 24/7 police visibility sa buong Metro East. Sa tuloy-tuloy na patrol, strategic deployment, at pakikipag-ugnayan sa komunidad, sinisiguro naming ang aming presensya ay hindi lang nakikita — ito ay nararamdaman. Ang aming mensahe ay malinaw: ang kaligtasan ng publiko ang aming prioridad, at ang kapayapaan ay aming pananagutan.”

Patuloy ang EPD sa pagbabantay — araw at gabi — para sa isang ligtas, panatag, at maayos na Metro East.