ARESTADO ang isang empleyado ng kompanya matapos umanong tangayin ang nasa P6,777,000 halaga ng computer graphic cards sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang suspek bilang si Rint Joshua Babao, 25, na naaresto sa kanyang bahay sa Brgy. 144, Bagong Barrio, Caloocan City dakong alas-7:00 ng gabi matapos ang i-reklamo ng kanyang employer, na kinakatawan ng isang staff na si Jovelyn Bacalla sa pagtangay umano ng mga items sa tulong ng dalawang kasama nito.
Ayon kay Bacalla, dakong alas-4:00 ng hapon nang matuklasan niya na 180 piraso ng branded na 3060 series na computer graphic card ang nawawala sa bodega ng kumpanya sa Cabral St. Barangay Maysan, Valenzuela City.
“Nawalan na po kasi kami ng 30 pieces graphic cards, pinapa-account po namin sa kanya [suspect], hindi po n’ya ma-account, nagtaka po kami bigla s’yang nag-submit ng resignation letter nung November 14 kaya nag-inventory po kami agad kahapon sa warehouse,” pahayag ni Bacalla sa pulisya.
Matapos nito, kinompronta ni Bacalla ang security guard ng warehouse. “Nagpunta nga daw po doon sa warehouse si Babao kahapon ng madaling araw at ang sabi po ay pinapa-pull out daw po ‘yung mga items. Hindi pa po kasi na-inform ‘yung guard na resigned na po ‘yun,” dagdag ni Bacalla.
Matapos matanggap ang report mula sa complainant, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng Station Investigation Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU) sa pangunguna nina PLt Armando Delima at PLt Ronald Bautista ng joint follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ani Station Investigation and Detective Management Branch chief PLt Robin Santos, ang tinangay na mga items ay isinuko ng kaanak ni Babao na itinago umano ng suspek sa kanyang bahay.
Ipinag-utos naman ni Col. Destura ang pagtugis sa dalawang kasabwat ng suspek na kinilala lang sa Rustom Maata Jr., alyas “Baby Ama”, at Jomar Gabun habang kakasuhan si Babao ng theft. (JUVY LUCERO)
More Stories
Panghaharas ng China Coast Guard sa West Philippine Sea asahan na… MAINIT ANG ULO SA ATIN NG TSINA – ANALYST
AMA NA GINAWANG PARAUSAN ANG STEPDAUGHTER, ARESTADO MATAPOS MANG-HOSTAGE NG ANAK
BuCor nagsagawa ng seminar workshop kaugnay sa GCTA