January 23, 2025

Emotional Exhaustion sa panahon ng pandemya, huwag balewalain

Magandang araw sa inyo mga Ka-Sampaguita. Sana po ay nasa mabuti po kayong kalagayan.

Lubhang nakababahala ang nararanasan ng ilan sa ating mga kababayan. Mula nang perwisyuhin tayo ng COVID-19, marami sa atin ang nakaranas ng mental illness.

Ang tinutukoy ko ay emotional exhaustion. Normal naman ito sabi ng mga doctor. Gayunman, nakakaapekto ito sa araw-araw na buhay ng tao.

Marahil bunsod ito na ang ilan ay nasuong sa iba’t-ibang problema. Kabilang na rito ang nawalan ng trabaho, hindi nakabayad sa upa sa bahay, ilaw at tubig.

Kinakapos din sa araw-araw. Isa pa, nabuburyong din sa bahay dahil walang magawa.

Hindi biro ang kondisyong ito dahil maaari itong mauwi sa stress at depresyon.

Nararapat na alalayan natin ang mga mahal natin sa buhay na nagdaranas nito. Unawain natin sila at damayan.

Sa mga nakararanas naman ng emotional exhaustion, dapat na maging kampante lang. Libangin ang sarili. Mag-ehersisyo, makipag-usap sa taong makapagkakatiwalaan.

Ika nga ng iba, “appreciate life’ lang. Manalangin sa Diyos upang malampasan ang kondisyon.