January 22, 2025

Emilio Jacinto, Utak ng Katipunan at Rebolusyon

Emilio Dizon Jacinto (1875-99)

Larawang Pinta (15½ x 19½) ni Fernando Amorsolo (1892-1972) noong 1953 na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Executive Office, Administration Building ng Far Eastern University sa Maynila.

NGAYONG 15 Disyembre 2024 Linggo ay gugunitain ang ika-149 taong kapanganakan ni Emilio Dizon Jacinto (1875-99). Siya ay isang Pilipinong heneral sa panahon ng rebolusyon. Isa siya sa may pinakamataas na ranggo ng samahang Kataas-taasang, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan (itinatag 1892). Siya ay nahalal bilang Kalihim ng Estado ng Haring Bayang Katagalugan, ang pamahalaang rebolusyonaryong itinatag sa panahon ng pagsiklab ng labanan. Siya ay binansagan ng mga mananaliksik bilang ‘Utak ng Katipunan at Rebolusyon’. Kabilang siya sa mga dumalo sa Sigaw sa Pugad Lawin kasama si Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, at iba pang mga kasapi na naging hudyat sa simula ng rebolusyon laban sa mga kolonyal na Espanyol sa bansa.

Ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933), sa pakikipagtulungan ng GSIS Museo ng Sining, ay nag-aanyaya sa lahat na makilahok sa Commemorative Lecture kaugnay sa ika-149 anibersaryong kapanganakan at opisyal na paglulunsad ng ika-150 anibersaryong kapanganakan ni Emilio Jacinto sa darating na 11 Disyembre 2024, 02:00 Hapon, sa GSIS Museo ng Sining, GSIS Financial Center. Sen. J.W. Diokno Boulevard, Lungsod Pasay.

Poster na Paanyaya ng NHCP

Si Dr. Michael Charleston “Xiao” B. Chua, Propesor ng De La Salle University Manila (itinatag 1911) at Public Relations Officer ng Philippine Historical Association (itinatag 1955) ang magiging tagapanayam. Susundan ng panel discussion ng mga Cast and Crew ng dulang produksyong “Pingkian: Isang Musikal.”

Narito ang Anim (6) na Mahahalagang Impormasyon tungkol kay Emilio Jacinto:

01. Pinagmulan at Kabataan. Isinilang si Jacinto sa Tondo, Maynila noong 15 Disyembre 1875 Miyerkoles kina Mariano Jacinto at Josefa Dizon. Maagang pumanaw ang kanyang ama, samantalang ang kanyang ina ay isang komadrona. Inilipat siya sa pangangalaga ng mayamang tiyuhing si Don Jose Dizon. Mayaman ang angkang pinagmulan ng kanyang ina na si Josefa, subalit nagawang iwan ang karangyaan dahil sa pagmamahal at pagpapakasal kay Mariano.

02. Edukasyon. Si Jacinto ay nakapag-aral sa Colegio de San Juan de Letran (itinatag 1620), subalit hindi natapos at nalipat sa Unibersidad ng Santo Tomas (itinatag 1611) upang mag-aral ng abogasya. Naging kamag-aral niya sina Manuel L. Quezon (1878-1944), Sergio S. Osmeña Sr. (1878-1961), at Juan M. Sumulong Sr. (1875-1942).  Ayon sa kanyang mga kamag-aral, siya ay isang tahimik na bata subalit handang lumaban sa sinumang humahamak sa kanya. Pagsapit sa edad na 18, si Jacinto ay nakaramdam ng damdaming makabayan at galit sa mga mananakop na Espanyol. Sumapi siya sa Katipunan sa edad na 19.

03. Pagsapi sa Rebolusyon. Naging malapit na magkaibigan sina Jacinto at Andres Bonifacio (1863-97). Si Jacinto ay naging tagapayo sa usaping pinansyal at kalihim ni Bonifacio. Sila ay kapwa nakipagkaibigan kay Apolinario M. Mabini (1864-1903) upang maipagpatuloy ang mga layunin ng La Liga Filipina (inilunsad Hulyo 1892) ni Dr. Jose Rizal (1861-96). Matapos ang pagbitay kay Bonifacio, naharap si Jacinto sa mga pagsubok upang maipagpatuloy ang Katipunan. Katulad ni Mariano M. Alvarez (1818-1924), siya ay tumangging makiisa sa hukbo ni Heneral Emilio F. Aguinaldo (1869-1964), ang pinuno ng Magdalo na faction ng Katipunan. Nanirahan si Jacinto sa Laguna at sumapi sa mga militar laban sa mga Espanyol.

04. Pagiging Manunulat. Nagawang makapagsulat ni Jacinto sa pahayagang ‘Kalayaan’ ng Katipunan. Ginamit niya bilang sagisag-panulat ang “Dimasilaw”, at alyas na “Pingkian” sa Katipunan. Siya ang may-akda ng Kartilya ng Katipunan. Ayon sa CulturEd Philippines, ang online at digital arm ng Philippine Cultural Education Program (PCEP) sa ilalim ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992), “Mapapansin sa ‘Kartilya ng Katipunan’ ang tuntuning moral at etiko na ibig pairalin sa Katipunan bilang tunay na kapatirang Pilipino. Idinidiin ang pagmamahal sa kapwa at pagtutulungan, ang paniniwala sa katwiran, at ang pag-iingat sa dangal at puri bilang tao. Gayunman, taglay din nito ang pangunahing mga simulaing demokratiko, gaya ng pagkakapantay ng tao anuman ang kulay ng balat, antas ng kabuhayan, at pinag-aralan. Ipinangangaral din nito ang mataas na pagtingin sa kababaihan at ang mabigat na tungkulin ng lalaki na alagaan ang asawa at anak.”

Pagpanaw ng Bayani (1899)

05. Pagyao. Dinapuan si Jacinto ng malaria at yumao sa Barangay Alipit, Santa Cruz, Laguna, noong 16 Abril 1899 Linggo. Ang kanyang mga labi ay unang inilibing sa Barangay San Juan, Santa Cruz, Laguna, pagkaraan ay inilipat sa Manila North Cemetery, at muling nalipat sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Lungsod Quezon. Makikita sa himlayan ang life-size bronze sculpture ni Jacinto sakay ng kabayo sa panahon ng rebolusyon. Ikinasal siya kay Catalina de Jesus na nagdadalang tao sa panahon ng kanyang pagpanaw. Si Catalina ay mas kilala bilang “Aling Tinay” ay pinunong ispiritwal at mistiko. Itinatag niya ang samahang relihiyosong “Cofradia de San Jose”.

06. Kulturang Popular. Naging tampok ang buhay ni Emilio Jacinto sa mga musical, teleserye, at pelikula. Una, ginampanan ni Ariel Rivera para sa “1896” Original Filipino Musical ng Philippine Educational Theater Education (1995); ikalawa, ni Smokey Manaloto sa episode na “Andres Bonifacio: KKK” ng teleseryeng ‘Bayani’ ng ABS-CBN (1995); ikatlo, ni Cris Villanueva sa dalawang episode ng ‘Bayani’ ng ABS-CBN (1996); ikaapat, ni Alvin Aragon sa Lupang Hinirang official music video ng GMA (2010); ikalima, ni RJ Agustin para sa teleseryeng ‘Katipunan’ ng GMA (2013); ikaanim, ni Joem Bascon sa pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” (2014); at ikaanim, ni Vic Robinson para sa “Pingkian”, Original Filipino Musical ng Tanghalng Pilipino.

Tumatak ang bayani sa pahayag na “Sa Taong May Hiya, Salita’y Panunumpa”.

Maligayang Kaarawan Emilio Jacinto!