
Nabigla ang kampo ng administrasyong Marcos matapos mabigo ang karamihan sa kanilang senatorial candidates sa 2025 midterm elections, sa kabila ng mga pre-election surveys na nagsabing pasok sa “winning circle” ang walo sa kanila.
Ayon sa mga insider, “disbelief” ang nangingibabaw na emosyon sa loob ng Alyansa — ang dominanteng koalisyon ng administrasyon — matapos biglang sumirit ang boto para kina dating senador Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan, dalawang kandidato mula sa oposisyon na muling nakabalik sa Senado.
Batay sa isang internal survey isang linggo bago ang halalan, halos lahat ng kandidato ng Alyansa ay itinuturing na “safe.” Wala rin umanong indikasyong may malakas na galaw para sa mga pink candidates. Kaya’t ang resulta ng halalan ay itinuturing ngayong “major upset.”
SURVEY VS REALIDAD
Ayon sa mga analyst, tila naging bulag ang Alyansa sa mga senyales ng pagbabago sa mood ng botante, partikular matapos ang kontrobersyal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso. Bagamat bumaba ang ilang numero ng Alyansa, hindi ito kinilalang babala ng mga strategist.
“Pinaniwalaan nila ang survey. Hindi nila nakita ang lumalalim na galit ng taumbayan,” ayon sa isang campaign insider.
BLOC VOTING, GAME CHANGER
Ayon sa mga ulat, gumamit ng bloc voting strategy ang kampo nina Aquino at Pangilinan. Ipinanawagan ng mga pink organizers sa mga botante na bumoto lamang sa kanilang pangunahing kandidato, upang masigurong mas maraming boto ang papasok sa kanila. Bukod dito, parehong nakakuha ng endorsement si Aquino mula sa Iglesia Ni Cristo (INC), na isa sa mga organisadong religious blocs sa bansa.
Sa kabilang banda, bigo ang Alyansa na magpakilos ng solidong boto sa kanilang mga balwarte. Hindi rin umano nakatulong ang mga isyung internal sa koalisyon, kabilang na ang pagsasawalang-bahala kay Senator Imee Marcos at ang kontrobersyal na pananatili ni Rep. Camille Villar sa kanilang lineup kahit umano’y suportado ito ni VP Sara Duterte.
PINK VICTORY, PROTEST VOTE?
Bagamat ipinagdiriwang ng mga pink supporters ang tagumpay bilang “resureksyon” ng kilusang oposisyon, may nagsasabing mas malalim pa rito ang mensahe ng boto. Para sa ilan, ito ay malinaw na protest vote — laban sa lumalalang presyo ng bilihin, kawalang-linaw ng direksyon ng administrasyon, at galit sa mga pakikipag-alyansa ng Palasyo sa mga kontrobersyal na personalidad.
“Hindi ito simpleng pink wave. Ito ay galit ng bayan,” ani ng political analyst na si Prof. Liza Martinez. “Napagod ang tao sa kakasisi at kakapaliwanag ng gobyerno — gusto nila ng aksyon.”
SENADO, MALAPIT NANG MAGING BATTLE ARENA
Ang pagpasok nina Aquino at Pangilinan sa Senado ay inaasahang babalanse sa impluwensiya nina Rep. Rodante Marcoleta, Sen. Imee Marcos, at Rep. Camille Villar na inaasahang boboto pabor sa acquittal ni Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial.
Ayon sa ilang tagamasid, ang nalalapit na paglilitis sa Senado ang magiging pinakamalaking banggaan ng mga Marcos at Duterte — dalawang dinastiyang dating magkakampi, ngayo’y nagbabanggaan sa gitna ng pampulitikang tensyon.
NASAAN ANG KABATAAN?
May teoryang ang boto para sa pink candidates ay dahil sa paglahok ng Gen Z at millennial voters, subalit kulang pa sa datos ang pahayag na ito. “Kung mapapatunayan ito, ito ang magiging turning point ng kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas,” ayon kay Martinez.
NABUNDOL SA SARILING WAZE
Para sa maraming strategist ng Alyansa, naging “electoral Waze” ang mga survey — ngunit maling ruta ang ipinakita. “Ang yabang namin, akala namin panalo na,” ayon sa isang campaign insider. “Yun pala, hindi lang kami naiwan — nabangga kami.”
Habang papalapit ang impeachment trial, mas lalong umiinit ang politika sa bansa. At para sa administrasyon, hindi sapat ang survey — kailangan nilang matutong bumasa sa tunay na direksyon ng taumbayan.
More Stories
Iba-ban si referee Collantes… DESISYON MALAMANG MABALIGTAD PABOR KAY SUAREZ NG PILIPINAS
Drug suspect, tiklo sa buy-bust sa Valenzuela
Lalaki, kalaboso sa bakal sa Caloocan