December 24, 2024

‘Election year fund’ lantad sa korapsyon

HINDI inaalis ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na maaring bukas sa pag-abuso at korapasyon ang infrastructure budget sa ilalim ng panukalang 2021 national budget lalo na’t malapit na ang 2022 elections.

Nabanggit ni Drilon na ang 2021 national budget ay maikokonsidera rin bilang budget sa paghahanda para sa nalalapit na eleksiyon.

“I would like to attribute good faith. You cannot discount that this is part of the preparation for 2022. I have been in Congress long enough to know that if there is anything you should exercise extra vigilance, it is what is called the election-year budget,”  aniya.

Ginawa ni Drilon ang pahayag sa gitna ng patuloy na bangayan sa Kamara bunsod ng pagkakaiba-iba sa infrastructure budget allocation ng mga kongresista sa kani-kanilang mga distrito.

Sa ngayon aniya ay may P468-bilyon na lump sum funds sa ilalim ng Department of Public Works and Highway (DPWH) at P16.5 bilyon sa NTF-ELCAC.

Kinuwestiyon naman ng ilang miyembro ng House of Representatives ang DPWH budget, kung saan mahigit sa P20 bilyon na programa ang napunta sa siyudad ng Taguig at Camarines Sur.

Hawak ng mag-asawang House Speaker Alan Peter Cayentano at Lani ang dalawang congressional districts sa Taguig.

Nasa pangangalaga rin ni Speaker Cayetano ang unang distrito ng Camarines Sur matapos ang pagpanaw ng inihalal na representante nito na si Marissa Lourdes Andaya nitong taon lamang.

Habang ang second district ng lalawigan ay inirerepresenta ng kapartido ni Cayetano sa Nacionalista Party na si LRay Villafuerte.

Ang pondo ay nasa ilalim ng pangangalaga ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar, anak ni dating Senator Manny at Cynthia Villar – ang power couple ng NP.

“That’s our concern. We don’t want to attribute malice. Certainly, it is open to corruption and abuse for the 2022 elections,” ayon kay Drilon.