November 5, 2024

ELEAZAR, SINIGURO ANG TULONG SEGURIDAD SA COMMUNITY PANTRY PIONEER ORGANIZER

Tiniyak ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, na handa ang Philippine National Police para tulungan at bigyan ng seguridad sa kanyang buhay si community pantry pioneer leader/organizer Ana Patricia Non dahil sa natatanggap na death at rape threats.

Hinihikayat din ni Eleazar si Non na pormal na magsampa ng reklamo sa pinakamalapit na police station para sa kanyang mga nararanasan na pagbabanta.

“Nakahanda po ang PNP na tulongan si Ms. Non, lalo na kung may banta ito sa kanyang buhay. Maari siyang dumulog sa pinakamalapit na police station para ireport itong mga threats na natatanggap niya at agad na maimbestigahan ng ating mga kapulisan kung sino ang gumagawa ng mga ito,” paliwanag ni Elezar.

Bilin pa ni Eleazar kay Non na huwag magdalawang isip na lumapit sa mga awtoridad dahil sinisiguro nito na aaksyunan ng PNP ang mga hinaing at reklamo ng community pantry leader.

Iimbestigahan din umano ang lahat ng anggulo ng nangyayaring pananakot kay Non kabilang na ang nangyaring red-tagging na sinisisi nito na naging hudyat ng online harassment na kanyang natatanggap.

Tutulong din umano ang PNP Anti-Cyber crime Group na kayang malaman ang pagkatao at matunton ang mga harassers ng biktima.

Nanawagan din si Eleazar kay Non na agad makipag-ugnayan sa PNP para mabigyan ito ng maayos na serbisyo at maari din aniya na bigyan ng security details ito kung kakailanganin o tatanggapin nito. (Koi Hipolito)