Nagpalabas ng utos si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo T. Eleazar, sa lahat ng mga police commanders na dapat na pag-ibayuhin ng mga ito ang pakikipag ugnayan sa mga Muslim leaders at sa mga miyembro nito para sa pagpapatuloy ng magandang relasyon ng mga Muslim at mga Kristiyano na namumuhay nang mapayapa ng magkasama dito sa bansa.
Sinabi ito ni Eleazar sa ginawa niyang pagbisita sa lugar ng Salaam Compound ng Barangay Culiat, Tandang Sora, Quezon City noong araw ng Huwebes para gunitain ang selebrasyon ng Eid’l Fitr, na ang ibig sabihin ay ang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan. Kanya rin pinangunahan ang Barangayanihan Food Bank Event na kasama ang mga kapatid na Muslim at ipinaalala din nito ang naging matagumpay na pakikipag-ugnayan ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga pinuno at miyembro ng Muslims community para mapangalagaan ang peace and order sa naturang lugar noong siya pa ang QCPD District Director dito.
Nanawagan din ang PNP Chief sa mga lider at miyembro ng Muslim community sa Salaam Compound na ipagpatuloy ang kooperasyon sa mga pulis upang maisantabi ang negatibong pagkukumpara sa mga Muslim.
“Kahit anuman ang ating paniniwala, ang dugong Pilipino ang siya pa ring nanalaytay sa ating mga ugat.Gawin natin itong isang magandang instrumento upang maabot ang ating mithiin na tunay na kapayapaan at progresibong bansa” ani Eleazar.
Bilang pagdiriwang ng Eid’l Fitr, hinimok din niya ang mga kapatid nating Muslim na makiisa sa pinapangarap ng lahat na sama-samang mamuhay sa mapayapa at maunlad na komunidad para isang masagana at maayos na bansa. (Koi Hipolito)
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY