December 23, 2024

Eldrew Yulo, all-around silver sa Pacific Rim Gymnastics Championships

BINUKSAN ni Eldrew Yulo ang kanyang kampanya sa Pacific Rim Gymnastics Championships sa Cali, Colombia, nang may istilo makaraang masungkit ang pilak na medalya sa junior individual all-around ngayong araw.

Nakalikom si Yulo ng 77.15 puntos mula sa anim na apparatuses habang napasakamay ni home bet na si Keynher Camilo Vera Carrascal ang gintong medalya tangan ang 78.35 puntos.

Habang naibulsa ni Juan David Hernandez Andrade ng Mexico ang tansong medalya na nagsumite naman ng 75.75 puntos.

Nakahanda na rin si Yulo, nakababatang kapatid ni world champion Carlos Yulo, para sa tsansang makasungkit ng mas maraming medalya matapos itong makarating sa finals para sa lahat ng anim na apparatus.

Nanguna siya sa kwalipikasyon sa vault (14.8 puntos) at floor exercise (13.75 puntos) at nakagtala ng 12.85 puntos sa parallel bars, 12.35 punts sa pommel horse, 12.1 puntos sa still rings at 11.3 puntos sa horizontal bar.

Nakatakda bukas, Abril 28, ang apparatus finals.

Kumakatawan din sa bansa sa Colombia ang men’s team na binubuo nina John Ivan Cruz Juancho Miguel Besana, Jhon Santillan, Jan Gwynn Timbang, at Justin Ace de Leon.

Binubuo naman nina Iza Yulo, Charlie Manzano, at Kursten Lopez ang women’s team. RON TOLENTINO