
Magkakasubukan ngayong Miyerkules sa double-header ng PBA Season 49 Philippine Cup sa PhilSports Arena, kung saan parehong naghahabol ng mas mataas na puwesto sa standings ang Rain or Shine Elasto Painters at Converge FiberXers.
Pansamantalang nasa gitnang bahagi ng standings, parehong nakapuwesto sa Magic 8 ang dalawang koponan — ang Rain or Shine ay nasa ikalimang puwesto (4-3) habang ang Converge ay pangatlo sa anim na panalo at apat na talo (5-4).
Unang magtatapatan ang Converge FiberXers at ang Terrafirma Dyip sa alas-singko ng hapon. Bagamat nasa ilalim ng standings ang Terrafirma sa kartadang 1-7, hindi ito dapat maliitin ng FiberXers na binubuo ng solidong frontline nina Justin Arana at Justine Baltazar, kasama sina Alec Stockton at Schonny Winston.
Kahit na dehado sa papel, sabik ang Dyip na putulin ang kanilang pitong sunod na talo at panatilihin ang pag-asa sa playoffs, kaya’t inaasahang magiging dikdikan ang laban.
Sa pangalawang laro ng gabi, sasabak ang Rain or Shine Elasto Painters kontra sa Phoenix Fuel Masters. Bagama’t may 2-5 record ang Phoenix, hindi biro ang line-up nito na binubuo ng young guns tulad nina Kai Ballungay, Ken Tuffin, Ricci Rivero at Tyler Tio, na sinusuportahan ng mga beterano tulad nina Jason Perkins, RJ Jazul at RR Garcia.
Ngunit hindi rin magpapahuli ang Elasto Painters, na isa sa mga pinakabatang koponan sa liga pero malalim ang bench sa ilalim ng direksyon ni Coach Yeng Guiao. Patuloy na umaangat ang laro nina Adrian Nocum, Andrei Caracut, at Leonard Santillan, habang may suporta mula kina Jhonard Clarito, Anton Asistio at Keith Datu para sa kanilang mabilis at agresibong opensa.
Parehong mahalaga ang larong ito para sa dalawang koponan na gustong manatili sa loob ng Final 8 at makapasok sa quarterfinals. Para sa Rain or Shine, may apat pa silang natitirang laro kaya’t may tsansa silang makapasok sa top 4, pero kinakailangan nilang masungkit ang panalo ngayong gabi.
Samantala, kailangang tumutok ang Converge sa kanilang kampanya — hindi nila dapat ipagsawalang-bahala ang Terrafirma na gutom sa panalo. (RON TOLENTINO)
More Stories
‘BAWAT BATA MAKABABASA’ PROGRAM, ISANG TAGUMPAY
Tiauson sa Bulan, Sorsogon kampeon sa Open Rapid chess tournament
NZ EDUCATION ROADSHOW, DARATING SA PILIPINAS