
Muling kinapos si EJ Obiena na makabalik sa podium matapos siyang magtapos sa ika-pitong puwesto sa Bauhaus-Galan Wanda Diamond League na ginanap sa Stockholm, Sweden nitong Linggo, Hunyo 15 (Lunes ng madaling-araw sa oras ng Pilipinas).
Ang two-time Olympian ay nakalagpas lamang sa 5.70 metro, kasunod ng kanyang pagkapanalo sa Asian Championships noong nakaraang buwan. Muling namayagpag sa torneo ang world record holder na si Mondo Duplantis ng Sweden, na muling binura ang sariling rekord matapos makuha ang ginto sa taas na 6.28 metro.
Nakamit ni Kurtis Marschall ng Australia ang pilak sa 5.90m, habang si Menno Vloon ng Netherlands ang nag-uwi ng tansong medalya sa 5.80m.
Bagamat mataas ang inaasahan kay Obiena matapos niyang mangibabaw sa Asia, patuloy ang kanyang paghahanap ng matatag na performance sa international stage. Noong unang bahagi ng Hunyo, nagtapos siya sa ikalima sa FBK Games sa Netherlands, at nabigo ring maka-marka sa Oslo Bislett Games, isa pang leg ng Diamond League, kung saan muling nanalo si Duplantis.
Sa event sa Sweden, sinimulan ni Obiena sa 5.45m, na kanyang nalampasan sa unang subok. Tumalon siya agad sa 5.70m, na nalampasan niya sa ikalawang pagtatangka. Subalit hindi na siya nagtagumpay sa 5.80m, kung saan tatlong beses siyang pumalpak.
Samantala, si Duplantis — na kampeon sa Olympics at World Championships — ay muling nagpakitang-gilas matapos malampasan ang lahat ng kanyang tala sa unang subok, kabilang na ang bagong world record na 6.28m, na bumura sa dating 6.27m na naitala niya noong Pebrero sa France.
Ito na ang ikalabindalawang beses na binasag ni Duplantis ang world record, simula nang talunin niya ang 6.16m mark ni Renaud Lavillenie ng France noong 2020.
Si Lavillenie, na 38 anyos na, ay nagtapos sa ika-apat na puwesto (5.80m). Sina Keaton Daniel ng USA at Ersu Sasma ng Turkey ay parehong nagtala ng 5.70m tulad ni Obiena ngunit nalamangan siya sa countback kaya sila ang ikalima at ikaanim.
Parehong nagtala ng 5.60m sina Emmanouil Karalis (bronze medalist sa Paris Olympics) at Sam Kendricks (silver medalist), na nagtapos na magkatabla sa ikawalong puwesto.
Patuloy ang pagsusumikap ni Obiena na makabalik sa podium sa mga susunod na legs ng Diamond League habang papalapit ang Paris Olympics. (RON TOLENTINO)
More Stories
Konektadong Pinoy Act, magpapabilis at magpapamura sa bayad sa internet sa bansa
E-Gov. Act, magpapabilis sa proseso sa pamahalaan
MARCOS SA GABINETE: SIGURADUHING MAAYOS, LIGTAS AT KUMPLETO ANG LAHAT NG ESKWELAHAN