December 24, 2024

EDUCATION, HEALTH, INVESTMENT PRIORITY PROJECTS APRUB KAY PBBM

Inanunsyo ng National Economic and Development Authority (NEDA) na inaprubahan ng Board ang tatlong mahahalagang inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kabilang sa mga inaprubahan ng NEDA Board ang Basic Education Plan para sa 2030 at MATATAG Agenda na layong abutin ang lahat ng kabataan gayundin ang mga out-of-school youth at mga may sapat na gulang na magkaroon ng access sa edukasyon.

Gayundin ang mga pagbabago sa termino ng Public-Private Partnership (PPP) para sa University of the Philippines – Philippine General Hospital Cancer Center kasama na ang pagpapataas ng pondo nito sa P9.49 billion mula sa dating P6.05 billion.

Pangatlo sa inaprubahan ng NEDA Board ang bagong panuntunan ng Investment Coordination Committee para sa pagrebisa at pag-aapruba ng National PPP Proposals upang mapabilis ang proseso at maging episyente.

Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan na siya ring Vice Chair ng board, ang pag-apruba sa tatlong inisyatiba ay makapagbibigay ng mas pinag-ibayong serbisyo ng pamahalaan sa mga kinauukulang stakeholder nito.

Magugunitang kahapon, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ika-15 NEDA Board Meeting bilang siyang Chairman nito.