NAGSAMPA ng reklamong large scale estafa sa Cabuyao Component City Police Station kagabi ang sampu umanong biktima laban sa may-ari ng Eduardo Realty Developer Incorporated, at limang tauhan nito.
Base sa report ni Laguna Police Provincial Director P/Colonel Gauvin Mel Y. Unos kay Calabarzon PRO 4A Police Regional Director, Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, kabilang sa inirereklamo ang may-ari ng Eduardo Realty Developer na si alyas Eduardo; cashier na si alyas Ailene; sales admin, cashier na si alyas Emeriza; sales executive na si Vina Villegas; at office staff/sales admin na si alyas Joseph.
Ayon kay Unos, nakabili umano ng mga lote ang mga biktima sa lugar ng Amalia Executive Ville, Santiago Executive Ville, Santiago Executive Ville sa ilalim ng Eduardo Realty Development, kung saan ang mga ibinigay sa kanila na Original Receipts of Payments, Contract to Sell, Transfer of Titles, Tax Declaration of Real Property at Certificate of Full Payments ay pawang mga peke.
Napag-alaman na lang nila na sila ay naloko nang i-verify nila sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na walang Certificate of Registration and License to Sell ang naturang developer.
Nabatid, na pinadalhan ng mga biktima ng demand letter ang nasabing kompanya para maibalik ang kanilang pera pero binalewala lang ito, kaya’t nagpasya silang magdemanda laban sa may-ari at limang empleyado ng Eduardo Realty Developer.
Ayon sa mga biktima, umabot sa P10 milyon ang natangay umano sa kanila ng nasabing developer. (KOI HIPOLITO)
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA