June 3, 2025

EDSA REHAB IPINAGPALIBAN NI PANGULONG MARCOS

MAYNILA — Ipinagpaliban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inaabangang rehabilitasyon ng EDSA na nakatakda sanang simulan sa Hunyo 13, ayon sa pahayag nitong Linggo.

Sa isang video na inilabas ng Super Radyo dzBB, ipinaliwanag ng Pangulo na kailangang pag-aralan muna ng mas malalim ang proyekto sa loob ng isang buwan upang tukuyin kung may mga makabagong teknolohiya na maaaring gamitin para mapabilis ang pagkukumpuni sa 23.8-kilometrong kalsada.

“Pause muna doon sa ating rehabilitation. Huwag muna nating gagawin dahil pag tinitingnan natin yung cost-benefit and analysis, maganda sana kung maayos natin. Ngunit ang laking sakripisyo nu’ng dalawang taon. Masyadong mabigat, mahigpit ang traffic,” ani Marcos.

Ang planong rehabilitasyon ay inaasahang magdudulot ng matinding abala sa trapiko sa loob ng mahigit dalawang taon, dahilan upang ipagpaliban muna ito habang hinahanap ang mas episyenteng solusyon.