
Upang magpadala ng matibay na mensahe tungkol sa political accountability at environmental responsibility, pinangunahan ng EcoWaste Coalition ang isang post-election clean-up kahapon ng umaga sa paligid ng Flora Ylagan High School sa Malakas Street, malapit sa kanto ng V. Luna Avenue sa Quezon City.
Tumulong sa paglilinis ang mga community volunteer ng grupo at mga tauhan mula sa Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works, kung saan sama-samang tinanggal ang mga campaign material na nagkalat sa paaralan at mga kalapit na kalsada.
“Hindi lang ito tungkol sa basura. Ito ay tungkol sa pagpapakita ng responsableng pamumuno,” ani Cris Luague, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition. “Ang mga kandidato, panalo man o talo, ay dapat magpakita ng accountability. Ang iniwang kalat ay sumasalamin sa uri ng kanilang pamumuno.”
Binigyang-diin ng grupo na ang malawakang campaign litter matapos ang halalan noong Mayo 12 ay patunay ng patuloy na kapabayaan ng maraming kandidato sa epekto ng kanilang kampanya sa kapaligiran.
“Paulit-ulit na lang ito kada eleksyon. Nakakalungkot na ang simpleng pagligpit ng sariling campaign materials ay hindi pa nagagawa ng ilan sa kanila,” dagdag ni Luague.
Bagamat pinasalamatan ng grupo ang mga boluntaryo at mga manggagawa ng lungsod, iginiit nila na ang responsibilidad ng clean-up ay dapat nakatuon sa mismong mga kandidato.
“Hindi dapat iasa sa mga mamamayan ang paglilinis. Kung talagang seryoso ang mga kandidatong ito sa pagiging lider, dapat sila ang manguna sa paglinis ng kanilang sariling kalat,” ani Luague.
Nanawagan din ang grupo sa Commission on Elections (COMELEC) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) upang tiyaking ipinatutupad nang maayos ang mga panuntunan sa paglilinis matapos ang halalan.
Ayon sa COMELEC Task Force Baklas 2025, ang campaign period ay nagtapos noong 11:59 PM ng Mayo 10 at dapat natanggal na ang lahat ng campaign materials pagsapit ng Mayo 11.
“Panahon nang putulin ang kultura ng basura tuwing eleksyon. Kung gusto nilang mamuno, dapat matuto rin silang maglinis at mag-alaga ng kalikasan,” pahayag ng EcoWaste Coalition.
Tiniyak ng grupo na ipagpapatuloy nila ang monitoring sa post-election waste sa iba’t ibang panig ng bansa at ang pagtutulak ng mga reporma sa halalan na magsusulong ng environmental accountability sa kampanya.
More Stories
PCCI sa Bagong Kongreso: Itulak ang Reporma Para sa Mas Malakas na Ekonomiya
PTFOMS naalarma sa panggigipit sa media sa 2025 mid-term elections
Mayor Joy Belmonte, Tinalaga Bilang Ganap na Panalo sa 2025 Elections