May 24, 2025

ECONOMIC TEAM NI MARCOS JR., NANATILI; ILANG GABINETE BINALASA

Malacañang, Mayo 23 — Nagpatupad ng balasahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang gabinete matapos nitong hilingin sa lahat ng kalihim ang kanilang courtesy resignations. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Biyernes, mananatili sa puwesto ang economic managers ng administrasyon habang may bagong liderato namang itatalaga sa ilang ahensya ng pamahalaan.

Pananatili sa puwesto ng economic team

Ayon kay Bersamin, buo ang tiwala ng Pangulo sa kanyang economic team na patuloy na maglilingkod sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kabilang sa mga mananatili sa puwesto ay sina:

  • Trade Secretary Maria Christina Roque
  • Finance Secretary Ralph Recto
  • Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan
  • Budget Secretary Amenah Pangandaman
  • Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Sec. Frederick Go

“Itong limang ito ay magpapatuloy sa kanilang panunungkulan, paninilbihan sa taongbayan at makakaasa kayo na sila naman ay sinsero o dedicated sa kanilang sinumpaang katungkulan,” pahayag ni Bersamin sa press briefing.

Dagdag pa niya, nananatili rin siya sa kanyang posisyon bilang Executive Secretary. “He (Marcos) communicated to me na I have his full backing for as long as I wish to work for him… That is a sign, manifestation, full trust and confidence in myself,” ani Bersamin.

Balasahan sa DFA at DENR

Ipinahayag din ni Bersamin na magreretiro na si Antonio Manuel Revilla Lagdameo bilang Permanent Representative ng Pilipinas sa United Nations. Papalitan siya ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo simula Agosto 1.

Bilang kapalit ni Manalo, itatalaga naman bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs si Undersecretary Ma. Theresa Lazaro.

Samantala, si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ay papalitan ni Energy Secretary Raphael Lotilla.

Inaasahang mas paiigtingin ng mga pagbabagong ito ang pagpapatupad ng mga programa ng administrasyong Marcos, sa gitna ng mga hamong kinahaharap ng bansa sa larangan ng ekonomiya, kalikasan, at ugnayang panlabas.