December 19, 2024

EABL 23-U OPEN INVT’L SA MARIKINA, KASADO NA!

HANDA na ang lahat para sa pag-arangkada ng pinakabagong grassroots basketballf league sa bansa – ang East Asia Basketball League (EABL) sa isasagawang 23-under Open Invitational Conference sa Setyembre 2 sa Brgy. Jesus Dela Pena Gym, Marikina City.

“This league is three years in the making, inabutan na tayo ng pandemic, but ngayon tuloy na tuloy na tayo this coming September 2. Ang purpose natin dito ay makatulong para mabigyan ang ating mga kabataan ng pagkakataon na madelop ang kanilang mga skills at matupad ang pangarap na makapaglaro sa abroad,” pahayag ni EABL Chairman Dr. Joseph Jocson kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).

Ayon kay Jocson, panimula lamang ang naturang conference sa long-term program na plano ng EABL sa pakikipagtulungan ng iba pang opisyal kabilang ang Executive Committee Chief na si Norman Afable at suporta ng pribado sektor ng pamahalaaan.

“We’re very thankful sa ating mga kaibigan na bumuo sa pitong koponan para sa ating 23-under conference, gayundin kay sports patron Sen. Bong Go,” sambit ni Jocson, kasamang dumalo ang commissioners na sina Roger Basilio at Ruben Manalac, Finance Officer Rudy Mariano at Navotas team representative.

Sa temang ‘Rising of the Heroes’, unang magtatapat sa opening game ganap na 4:00pm ang Funtastic San Pablo City at  RPBY EastDental Clinic Marikina na susundan ng MAPUA 512 Trading Inc. laban sa Sta. Rosa Asiatech Jaguars sa ikalawang laro ng 6:00pm at Smash Navotas kontra Selection Makati sa huling laro ganap na 7:00pm. Libre sa publiko ang panonood ng liga. Ang isa pang koponan na kalahok ay ang Taytay Smile City.

Ayon kay Jocson, nakalaan ang P50,000 premyo sa kampeon, habang may hiwalay na P50,000 na matatangaap ang kinaaanibang local government agency (LGU) para s akanilang grassroots sports program.

Isasagawa ang opening ceremony matapos ang unang laro tampok ang parada ng mga muse at slam dunk contest tampok ang PBA legend na si Alvin Patrimonio bilang hurado.

Sinabi ni Basilio na nagsagawa ang EABL nang masinsinang tryouts para mapili ang pinakamahuhusay na referees na siyang bubuo sa technical group.

“Lahat ng referee group and association ay inimvite namin sa tryouts at yung talagang mahuhusay yun ang pinili naming para matiyak na maayos ang officiating ng liga at hindi macompromise ang integrity,” ayon kay Basilio sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.

Iginiit naman ni Manalac na ang gamit ng liga ang FIBA rules at ang format ay one-round elimination kung saan seeded ng Top 2 teams para sa cross-over semifinals.

“Yung no. 3 to 6 team after elimination maglalaro para sa cross-over quarterfinals para makakuha ng last two teams sa semifinals,” ayon kay  Manalac.

Umaasa si Jocson na matapos ang naturang conference ay maisasakatuparan nila ang pagimbita sa foreign squad mula sa China, Japan, Taiwan, gayundina ng Vietnam at Thailand na kapwa nagpahayag na ng kahandaan para rito.