June 7, 2025

DZRH Reporter sa Baguio, Binantaan umano ng Mayor ng Abra

BAGUIO CITY — Humingi ng tulong sa Philippine National Police si DZRH provincial news correspondent Romeo Gonzales matapos umano siyang bantaan ni La Paz, Abra Mayor Joseph “JB” Bernos — kasalukuyang tumatakbo bilang kongresista — dahil sa iniulat nitong insidente ng pamamaril sa DZRH News.

Ayon kay Gonzales, nakatanggap siya ng mga online na mensahe at video call mula kay Bernos noong Abril 21, matapos niyang iulat ang nangyaring pamamaril sa Abra na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng isa pa.

Tinawag umano ni Bernos na “iresponsable” ang ulat ni Gonzales at pinagmumura pa ito. “Babalikan kita,” ani umano ng alkalde sa pananakot.

Mariing kinondena ng MBC Media Group, ang kompanyang may-ari ng DZRH, ang umano’y pagbabanta. Giit nila, hindi sila papayag na maapektuhan ang kalayaan sa pamamahayag, at titiyakin nilang pananagutin ang sinumang manggigipit sa kanilang mga mamamahayag.

“Hindi kami matitinag. Maninindigan kami para sa katotohanan at kalayaan sa pamamahayag,” pahayag ng MBC.