December 26, 2024

DUTERTE TINULAK NG PDP-LABAN NA TUMAKBONG VP SA 2022

Itinutulak ng  Partido Demokratikong Pilipino (PDP)-Laban  si Pangulong Rodrigo Duterte na maging kandidato sa pagka-bise presidente sa halalan sa 2022.

Ito ang napagkaisahan ng mga kapartido ni Digong sa kanilang National Council Assembly ngayong Lunes sa Cebu City. Nilagdaan na rin nila ang resolusyon para isapormal ito. 

Kalakip ng nasabing resolusyon ang paghikayat kay Duterte na mamili na ng kanyang magiging “running mate” sa pagkapresidente sa 2022 national elections.

“The text of this resolution read as follows: ‘Resolution to convince the party chairman, President Rodrigo Roa Duterte, to run as vice president in the 2022 national elections and for President Rodrigo Duterte to choose his running mate for president,'” ani PDP-Laban VP for external affairs Raul Lambino kanina.

“These are resolutions that the council has received from different regions, different chapters of the party, and from the different local government units. Elected officials of these LGUs who are not members of PDP-Laban but have come up with up a resolution strongly urging the president mto seriously consider running for vice president.”

Si Lambino rin ang nanguna sa pagpasa ng resolusyon sa gitna ng national council meeting sa Cebu City. Agad namang sinang-ayunan ng iba pang miyembro ng PDP-Laban ang resolusyon.

Pacquiao tablado?!

Hindi dinaluhan ni Duterte ang nasabing pagtitipon sa gitna na rin ng hindi pagkakasundo ng ilang paksyon at miyembro ng PDP-Laban.

Kapansin-pansin ding hindi dumalo sa nasabing meeting si Sen. Manny Pacquiao na siyang acting president ng nasabing paritido.

Una nang nanawagan si Pacquiao na ‘wag daluhan ng kanilang kasapian ang naturang assembly, kahit na si Duterte pala ang nag-utos na pangunahan ni Cusi ang pulong, ani presidential spokesperson Harry Roque nitong Linggo.

“Alam niyo, chairman po ng partido ang presidente. Pero hindi naman po pupwedeng diktahan ni presidente kung ano ang gagawin ang partido,” patuloy ni Roque.

“Kaya nga po nagpupulong nang ganyan para malaman kung anong direksyon ang tatahakin ng partido at importante rin na iparating sa mga miyembro ng partido kung ano nang nagawa ng kanilang chairman sa nakalipas na limang taon.”