November 24, 2024

DUTERTE SPECIAL POWER VS ‘RED TAPE’ APRUBADO SA SENADO

LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng special powers sa Presidente para mapabilis ang pag-iisyu ng lisensiya at permit sa panahon ng national emergencies tulad ng COVID-19 pandemic.

Ito’y matapos sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukalang batas.

Present ang lahat 23 senador sa plenary session na bumoto pabor sa panukalang batas. Tanging si Senator Leila de Lima, na nanatiling nakakulong sa Camp Crame sa Quezon City ang hindi nakaboto.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1844, ang pangulo ay bibigyang-kapangyarihan para magsuspinde ng requirement para sa national at local permit, gayundin sa lisensiya at sertipikasyon.

Pahihintulutan din dito ang presidente na “suspindehin o alisin” ang sinumang government official na mapatutunayang dine-delay ang pag-isyu ng dokumento sa sinumang indibidwal o alinmang korporasyon.

“Magtulungan at magbayanihan po tayo para matanggal ang red tape at corruption sa ating burukrasya,” wika ni Senador Bong Go.

“This is a good accompanying measure to the Ease of Doing Business [Act],” sambit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.