November 5, 2024

DUTERTE SA DOH: SAGUTIN ANG ALEGASYON NG COA (Paggamit ng COVID-19 fund, sablay)

Inaabangan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging sagot ni Health Secretary Francisco Duque hinggil sa report ng Commission on Audit (COA) na sablay ang kagawaran sa paggamit ng P67.323 bilyong COVID-19 response fund noong 2020.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mabigat ang mga obserbasyon ng COA lalo na sa mga pondong natengga at hindi nagamit ng mga taong tinamaan ng COVID-19.

Isa sa pinuna ng COA ay ang delay sa pagbili ng mga mechanical ventilator na siyang mahalagang gamit para sa mga tinamaan ng severe coronavirus disease.

“The president is keen to read the answers dahil medyo mabigat po ang mga obserbasyon sa DOH,” wika ni Roque sa virtual press briefing nitong Huwebes.

“Ang nais pong mangyari ng ating Presidente naglaan po tayo ng bilyon bilyon para sa ating COVID response at ang inaasahan niya lahat niyan ay magamit para mapakinabangan ng taumbayan,” paliwanag ng opisyal.

Nang matanong kung nawalan na ng tiwala si Pangulong Duterte kay Duque, sinabi ni Roque na walang sinasanto ang presidente pero kailangan pa rin niyang makita at marinig ang paliwanag ng DOH chief sa COA report.

“Ang presidente po walang sinasanto. There’s no sacred cows on this administration. Antayin ang sagot ng DOH at antayin natin ang final observation ng COA,” saad ni Roque.

Ayon pa sa kalihim, ang mga natuklasan ng COA ay iba naman sa mga sinasabi ni Sen. Manny Pacquiao hinggil sa korapsyon umano sa DOH.

“Iba po kasi ang lebel ng obserbasyon ng COA, constitutional body po yan. Iyan ang katungkulan niya.” Paliwanag ni Roque.