November 24, 2024

DUTERTE SA BOTANTE: MAMILI NG ILOKANONG LIDER

May sinusuportahan na nga bang kandidato sa pagkapangulo si Pangulong Rodrigo Duterte?

Sa kanyang talumpati sa Narvacan, Ilocos Sur ibinunyag ni Pangulong Duterte na malapit na ang kanyang pag-alis sa Malacañang.

Naikwento niya din na kakaunti na lamang silang Bisaya na nasa gabinete at puro na lamang Ilokano ang nagtatrabaho sa kanya.

Wala mang binanggit ang Pangulo, ngunit sinabi niya na sila na ang bahala kung pipili sila ng Ilokanong lider.

“In my Cabinet, apat o tatlo na lang kaming Bisaya, ang naiwan puro mga Ilokano na,” ani Duterte.

“Kaya ibigay ko na lang ‘yan… aalis na ako sa Malacañang. Mamili na kayo kung sinong Ilocano na leader ang ilagay ninyo doon,” dagdag niya pa.

Ikinagulat naman ng mga pumunta sa nasabing pagtitipon ang sinabing ito ni Duterte.

Matatandaan na Ilokano si presidential candidate Bongbong Marcos na ka-tandem ang anak ng Pangulo na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

Maanghang din ang mga naging mensahe noon ni Duterte kay Marcos na tinawag niyang isang “spoiled brat”

“Hindi ako bilib sa kanya… He’s really a weak leader. Kaya ako sabi ko — totoo ‘yan, hindi ako naninira ng tao, talagang weak ‘yan kasi spoiled child, only son,” sabi ni Duterte noong Nobyembre 2021.

Sinabi din ng Pangulo na magiging “neutral” siya sa darating na halalan matapos umatras ang kanyang pambato na si Sen. Christopher “Bong” Go.

Wala pang pahayag ang kampo ni Marcos sa sinabing ito ni Duterte. Tuluyan na kayang nagbago ang isip ng Pangulo?