November 4, 2024

DUTERTE KAILANGAN MANAGOT! (Sigaw ng mga pamilya ng drug war victims)

NAGSAMA-SAMA ang mga pamilya ng biktima ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte sa Siena College Chapel upang gunitain ang ikawalong anibersaryo ng pagkakapaslang ng kanilang mga mahal sa buhay.

Panawagan nila na usigin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang mga kasabwat, para panagutin sa pagkasawi ng libo-libong biktima.

Ayon sa datos ng gobyerno, umabot sa 6,181 katao ang namatay sa madugong kampanya na ipinatupad ng 79-anyos na si Digong noong kanyang administrasyon. Pero paniwala ng ilang right groups, pumelo sa mahigit 30,000 ang namatay.

Sa kanyang paglutang sa Senado noong nakaraang linggo, inako ni Duterte ang buong responsibilidad para sa war on drugs pero sinambit nito na hindi tungkol sa pagkitil sa buhay ng mga tao.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala kay Felly Fernandez ang trauma na inabot niya matapos barilin sa loob ng kanilang bahay ang kanyang asawa at anak.

Giit niya na mapanagot ang mga responsable.

“‘Pag naalala ko sila, para talaga akong mamamatay. Gusto ko talagang makulong si Duterte o kundi si Bato. Hindi pa sila nakakabayad sa mga inutang na buhay ng mga tao,” wika ni Fernandez.

Naging biktima rin ang 15-anyos na anak ni Emily Soriano sa madugong kampanya laban sa illegal na droga noong Disyembre 2016.

Ang kanyang anak ay isa sa anim na pinatay sa loob lamang ng isang gabi sa Barangay Bagong Silang, Caloocan City.

“Masakit sakin na mangyari ‘yun sa anak ko, lalo na ‘yung anak ko na minor lang,” malungkot na kwento ni Soriano.

Gusto ko mangyari mapanagot si Duterte, makulong siya, pagbayaran mga ginawa niya, at si Bato at ibang sangkot na kapulisan na sumunod sa kanya,” dagdag niya.

Walong taon na ang nakakalipas, pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang grupo habang nagpapatuloy ang pagdinig ng Quadruple Committee patungkol sa imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJKs) at illegal drugs.

“Sabi nga nung isang nanay, patay na ‘yung asawa ko, sino ang magtatanggol sa kanya kundi kaming nabubuhay,” ayon kay Deaconess Rubylin Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights. 

“Nagkakaisa sila na si dating Pangulong Duterte ang dahilan ng pagpaslang ng kanilang mga kamag-anak kaya panawagan, panagutin at ikulong,” dagdag niya.