November 23, 2024

DUTERTE-DUTERTE ‘TOP PICK’ SA PRESIDENT, VP – PULSE ASIA


MANILA, Philippines – Kung paniniwalaan ang bagong-labas na survey ng Pulse Asia Research ngayong araw, lumalabas na ilalagay sa balota ng mayoryang Filipino ang pangalan ng mag-amang sina Davao City Mayor Sara Duterte at Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon sa pagkapangulo at pagka-bise presidente.

Ito ang natuklasan sa pag-aaral na isinagawa mula sa ika-7 hanggang ika-16 ng Hunyo, bagay na inilabas nitong Martes.

Sa harapang panayam na isinagawa sa 2,400 katao, sinasabi ng pag-aaral na 28% ng Filipino ay boboto kay “Inday Sara” kung isinagawa ang eleksyon habang kinokolekta ng mga mananaliksik ang datos.

Kalahati ang nilamang kay Manila Mayor Isko Moreno na nakakuha ng 14%, dating Sen. Bongbong Marcos na may 13%, at Sen. Grace Poe na may 10% na pawang mga nasa ikalawang puwesto.

Sinundan naman sila ni Vice President Leni Robredo na nasa ikatlong puwesto. Habang halos dikit naman sina Sen. Manny Pacquiao (8%) at Sen. Panfilo Lacson (4%).

Pagdating naman sa posisyon ng bise presidente, nangibabaw sa listahan si Pangulong Duterte, matapos makakuha ng 18%, halos dikit kay Moreno na may 14%.

Hindi rin nawala sa eksena ng pagka-ikalawang pangulo ang mga pangalan nina Senate President Vicente Sotto III (10%), Marcos (10%), Pacquiao (9%), dating Speaker Alan Peter Cayetano (8%) at Sorsogon Gov. Francis Escudero, dahilan para mapirmi sila sa ikalawang puwesto.