December 24, 2024

DUTERTE-DUTERTE TANDEM SA 2028 (Pinalulutang ni Panelo)

PINAYUHAN ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang vice president sa 2028, kung saan possible niyang maging ka-tandem ang kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Panelo, kabilang siya sa nagsusulong sa Duterte-Duterte tandem sa 2028.

“Mr. President, ang advice ko sa iyo tumakbo ka munang mayor. Kailangan mo ang Davao… Tumakbo kang mayor, then sa 2028 tumakbo kang vice president ng anak mo,” saad ni Panelo.

“Pag Duterte-Duterte, sigurado ‘yan, babalik sa inyo lahat ng bumaliktad sa inyo kasi napakalakas ninyo,” dagdag niya.

Wala namang naging direktang tugon si Digong sa suhestiyon ni Panelo.

“Sabi niya (Duterte), ‘Sige. Ituloy mo ‘yang advocacy mo na Duterte-Duterte. Tingnan natin,'” aniya.

“Open lang siya sa lahat. Hindi mo siya mako-corner. He will never tell you,” he said. “Magre-respond lang siya pag may clamor.”

Natapos ang termino ng nakatatandaang Duterte noong 2022 bilang pangulo at pinalitan ni Ferdinand Marcos Jr., ang running mate ni Sara Duterte.

Nagbago ang ihip ng hangin nang tuligsain ng pamilya Duterte ang administrasyong Marcos matapos pag-usapan ang posibleng pagpayag ng gobyerno sa International Criminal Court na pumasok sa Pilipinas upang imbestigahan ang giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon na kumitil sa libo-libong buhay.

Nitong Hunyo, nagbitiw si Vice President Sara Duterte bilang Education Secretary na walang malinaw na dahilan.


Dapat isaalang-alang ng Pilipinas ang pagkakaroon ng rebolusyonaryong gobyerno na may Duterte na namumuno, ani Panelo.

“Kailangan natin ng isang Duterte. Hindi lang 6 na taon — kahit 15 taon ibigay mo sa kaniya,” wika ng dating spokesperson. “Kung hindi mo bibigyan ito ng kapangyarihan, wala, slanted ang growth natin kasi ang mga Pilipino pasaway tayo,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, bukas ang dating punong ehekutibo sa anumang posibilidad, pagtatapos pa niya.