January 27, 2025

Duterte-Duterte tandem sa 2028 (Lumutang sa pro-Quiboloy rally)

Pinalulutang ng isang opisyal ng nakaraang administrasyon ang posilidad na hawakan ng mag-amang Vice President Sara Duterte at dating pangulong Rodrigo Duterte ang mataas na posisyon sa bansa para sa 2028.

Sa huling araw ng Laban Kasama ang Bayan prayer rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong nakaraang Martes, tinanong ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo ang crowd kung sino ang magiging susunod na presidente sa 2028.

Sigaw naman ng crowd: “Inday Sara Duterte!”

Sa pangalawang tanong ni Panelo sa crowd: “Who will replace Inday Sara as vice president in 2028?”

Sumigaw ulit ang crowd: “Duterte!”

Ang tinutukoy nila ay si Digong.

Dumalo ang dating pangulo sa nasabing rally.

Sinabi ni Panelo na iminungkahi niya ang Duterte-Duterte tandem noong 2022 election, na “tinanggihan” ng mag-ama dahil sa delicadeza.

Dahil sa umano’y korupsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan ng kasalukuyang administrasyon, iginiit ni Panelo na dapat tumako bilang pangulo ang nakababatang Duterte habang ang kanyang ama, na naging presidente noong 2016 hanggang 2022, bilang vice president sa 2028.
Inorganisa ang nasabing prayer rally ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na itinatag ng kontrobersiyal na si pastor Apollo Quiboloy, na may kaugnayan sa mga Duterte at nahaharap sa iba’t ibang kaso sa Pilipinas at United States.