January 12, 2025

Duterte, Bong Go pinuri ang modernisasyon ng Navotas Fish Port Complex

Nagpahayag ng kanyang pasasalamat si Navotas City Congressman John Rey Tiangco kay President Rodrigo Roa Duterte at Senator Bong Go sa kanilang suporta na naging daan para sa modernisayon ngt Navotas Fish Port Complex (NFPC).

Ayon kay Cong. Tiangco, ang kanyang House Bill 875 na naipasa na at naaprubahan sa lower chamber ay magpapaganda at magpapanumbalik sa 46-anyos na NPFC.

Aniya, ang pagpapabuti, rehabilitasyon at modernisasyon ng fish port complex ay dapat ganap na makumpleto sa loob ng limang taon mula sa bisa ng batas.

“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Duterte at Senator Go sa kanilang pagsuporta sa proyektong ito na talagang makakabuti para sa mga kababayan nating mga Navoteño”, ani Cong. Tiangco.

Pinuri din ng mambabatas ang lahat ng bumubuo ng Philippine Fisheries and Development Authority (PFDA) sa pamumuno ni General Manager Glen Pangapalan sa kanilang mahusay na pamamahala kaya naaprubahan ng National Economic Development Authority ang modernisasyon ng NFPC.

Aniya, kapag ganap ng maiayos, ang kapasidad at serbisyo ng NFPC ay higit na mapapabuti ayon sa kinakailangan ng Philippine fishing industry.

Dagdag pa niya, ang mga dating lubog na kalsada sa loob ng NFPC ay sinimulan ng taasan, nasimulan na rin ang expansion ng Pier 2, 3 at 4, ginagawa na rin ang Market 3.

Marami pa aniya ang kasama sa plano, bagong ship repair yard, pagpapalaki ng pier 5 at iba pang pasilidad para sumuporta sa mga mangingisdang Navoteño at sa industriya ng pangisdaan.

“Malaking karangalan po ang maging bahagi sa pagpapatupad ng modernisasyon ng NFPC na lalong magpapaangat sa ating lungsod at sa mga Navoteño”, pahayag ng mambabatas.

Samantala, sinabi naman ni Mayor Toby Tiangco na ipagpapatuloy niya ang pagsuporta sa nasimulang modernisasyon ng NFPC na maghahatid ng mas maraming oportunidad ng hanapbuhay at trabaho para sa mga Navoteño. (JUVY LUCERO)