January 4, 2025

DUTCH ACTIVIST IPADE-DEPORT

Pinagtibay ng pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang desisyon nito na paalisin ng bansa ang isang Dutch missionary matapos lumahok sa mga protesta.

Sa inilabas na pahayag ng BI, sinabi nito na ang pagpapatibay ng ahensya sa nauna nitong desisyon ay dahil nabigo ang kampo ni Otto Rudolf De Vries na magbigay ng ebidensya o anumang patunay na hindi dapat i-revoke ng pamahalaan ang permanent resident visa nito.

Paliwanag ni Immigration Commissioner Jaime Morente, nakatanggap ng balita ang tanggapan na makailang beses nang lumahok ang naturang Dutch national sa ilang mga pagkilos protesta sa ilang lugar sa NCR gaya ng Mendiola sa Maynila at sa lungsod ng Pasig.

Giit ni Morente, ang ginawa ni De Vries ay malinaw na paglabag sa mga kundisyon ng pamahalaan para payagan itong maglagi sa bansa.

Magugunitang noong Nobyembre noong nakaraang taon ay ipinag-utos ng ahensya na kanselahin ang permanent resident visa at paalisin si De Vries sa bansa.

Isinama na rin ang pangalan nito sa blacklist ng ahensya o sa mga tala ng pangalan na hindi na papayagang makapasok pa ng Pilipinas.