TIWALA si Senate President Vicente Sotto III na mapapanagot ang lahat ng opisyal na kanilang inirekomendang kasuhan dahil sa iregularidad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Masyadong obvious ‘yung findings namin. Tingin ko talagang lahat ng rekomendasyon namin na kasuhan nila ay mafa-file-an nila talaga, both criminal charges at administrative charges,” saad ni Sotto nang makapanayam sa Dobol B sa News TV.
Una nang inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na kasuhan sina Health Secretary Francisco Duque, ex-officio chairman of the PhilHealth board, at ang nagbitiw na si Chief Ricardo Morales, at iba pa, dahil sa hindi maayos at illegal na pagpapatupad ng interim reimbursement mechanism o ‘yung cash advance sa health care institutions.
Sabi ni Sotto, walang anumang legal justification ang implementasyon ng IRM dahil na-adopt ang Board Resolution noong Marso 31, 2020 habang ang Cirucular 2020-0007 ay pinatupad noong Marso 20.
Hindi raw naniniwala si Sotto sa kapangyarihan nang sinasabing tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Duque, lalo na kung malinaw ang mga ebidensya laban sa kanya. Kung maalala, una nang umalma ang Health chief sa Senate findings. Pero nangako ito ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
Subalit ilang beses na rin iginiit ni Duque na wala siyang papel sa kontrobersiya sa IRM, at wala aniyang basehan ang findings ng Senate Committee of the Whole.
“I was impleaded on the IRM when I was not even part of the deliberation and did not sign the said resolution. Ni anino nu’ng aking pirma ay hindi makita,” aniya,
Subalit sa paggiit umano ni Duque na wala siyang kinalaman sa implementasyon ng IRM, sinabi ni Sotto na ‘pleading guilty’ na umano ang kalihim sa malversation provision sa ilalim ng Revised Penal Code.
Dagdag pa niya na kahit malaki ang tiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi ibigsabihin na makalulusot siya sa Department of Justice para sampahan ng kaso.
“Wala sa usapan ‘yung pinagtitiwalaan o hindi. Kahit na pinagtitiwalaan ka ng isang tao, kung ang mga ebidensiya o ang mga findings ng isang committee ay nakikita ganito, ganito ang mga ginawa mo, o ganito, ganito ang hindi mo ginawa, na pinipilit ni Secretary Duque na wala siyang kinalaman, hindi siya nakapirma,” ani ni Sotto.
“Ang ine-expect ko, kapag nakita ng Pangulo ‘yung mga punto namin, magbabago ang pananaw ng Pangulo. Maaaring nagtitiwala pa rin siya pero may mga bagay na dapat mong harapin, na labag sa batas,” dagdag pa niya.
Una nang isinambulat ng nagbitiw na si PhilHealth anti-fraud officer Thorsoon Montek Keith ang “mafia” sa PhilHealth na binubuo ng executive committee, na tumangay sa P15 bilyon pondo ng ahensiya.
Itinanggi naman ng PhilHealth ang naturang akusasyon.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA