November 3, 2024

DSWD SCAMMER ARESTADO

Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki na nagso-solicit umano ng pera sa mga biktima kapalit ng financial assistance mula sa iba’t ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Iprinisinta ni DSWD Region 10 director Mari-Flor Dollaga ang suspek na kinilalang si Jay Lagrimas kay DSWD Secretary Erwin Tulfo sa isang virtual briefing nitong Miyerkules.

Ayon kay Dollaga, si Lagrimas ay inaresto nitong Martes sa isang joint entrapment operation na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) at ng mga opisyal ng Barangay Balulang, Cagayan de Oro.

Nabatid sa imbestigasyon na ang suspek ay nagpapakilala sa mga biktima na kabilang siya sa mga personnel ng DSWD-National Capital Region.

Titiyakin umano ni Lagrimas sa mga biktima na sila ay mapapasama sa listahan ng mga indibidwal na makatatanggap ng assistance mula sa DSWD kapalit ang isang registration fee.

Hihingi umano siya ng P500 para sa bawat tao para sa education assistance ng DSWD at P300 para naman sa mga gustong maging bahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon naman kay Tulfo, si Lagrimas ay bahagi ng isang criminal group na nakapagnakaw na ng kabuuang P1.2 milyon.

“Anim po silang lahat… taga-Tondo, Caloocan at Cavite… ‘yung nahuli namin ‘yan ang pinaka-mastermind po nila,” pahayag ni Tulfo sa isang radio interview.

Sinabi ng kalihim, na ang grupo ay hindi konektado sa DSWD at karamihan sa kanilang mga target ay solo parents. “Chineck namin ang mga records, hindi talaga siya naging empleyado ng DSWD… kahit administrasyon ng dating Pangulong Aquino, wala talagang ganoon pangalan. Mukha pineke ‘yung IDs niya,” saad pa ni Tulfo.