April 26, 2025

DSWD, Pinalakas ang Suporta sa mga Solo Parent sa Pamamagitan ng Program SOLo

Larawan mula sa dswdfo7/Instagram

MANILA, Philippines – Hindi na nag-iisa ang mga solo parent!

Pormal nang inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Program SOLo o Strengthening Opportunities for Lone Parents, bilang dagdag suporta sa mga pamilya na pinamumunuan ng solo parents, ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Sabado.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Dumlao na ang Program SOLo ay hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng ayudang pinansyal, kundi pati na rin sa pagbibigay ng malawak at teknolohiya-based na psychosocial support.

“Ang Program SOLo ay sinadyang bumagay sa totoong kalagayan ng ating mga solo parent – mula sa mga pang-araw-araw nilang sakripisyo hanggang sa pagtaguyod ng mga anak nang mag-isa,” ani Dumlao.

Prayoridad ng programa ang mga solo parent na may 2-3 anak na nasa edad 22 pababa, lalo na iyong magkakalapit ang tirahan.

Dagdag pa ni Dumlao, hindi lamang basta ayuda ang dala ng SOLo kundi pagbabagong-buhay para sa mga solo parent families upang maranasan ang buhay na matatag, maginhawa, at panatag.

“Hangad namin na hindi lang sila basta mabuhay, kundi tunay na umunlad at mapalaki ang kanilang mga anak nang buo ang loob at pag-asa,” giit niya.

Ipapatupad ang Program SOLo sa lokal na antas, kung saan ang mga lokal na pamahalaan (LGU) ang magbibigay ng akmang tulong batay sa pangangailangan ng kanilang mga solo parent constituents.

Kabilang sa mga pangunahing layunin nito ang:

  • Family case management at focused service delivery
  • Pagbuo ng parenting at emotional support systems
  • Pagsigurong may developmental programs para sa mga anak ng solo parents

“Alam namin na ang katatagan ng solo parent ay direktang nakaapekto sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Kaya sinisiguro ng programang ito na hindi lang ang magulang ang binibigyang pansin kundi pati na rin ang paghubog sa mga bata,” paliwanag ni Dumlao.

Sinabi rin ng DSWD na sakop ng Program SOLo ang lahat ng uri ng solo parents na kinikilala sa ilalim ng Republic Act 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act.

“Layunin naming makabuo ng isang lipunan kung saan ang solo parents ay inalalayan, nirerespeto, at binibigyan ng lakas upang makapagtaguyod ng matibay na pamilya,” pagtatapos ni Dumlao.