November 24, 2024

Drug suspect timbog sa P700K shabu sa Valenzuela

Person in handcuffs

UMABOT sa mahigit P.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos matimbog ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang naarestong suspek na si alyas Carding, 38 at residente ng Manila City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cayaban na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra sa suspek matapos ang natanggap na ulat hinggil sa umano’y ilegal drug activities.

Nang tanggapin umano ng suspek ang isang P500 bill na may kasamang 8-pirasong P1,000 boodle money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:30 ng gabi sa 1st St., Brgy. Marulas.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 105 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P714,000.00, buy bust money, P400 recovered money, at cellphone.

Kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Art. II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.