March 30, 2025

Droga itinago sa ari ng ginang (Tinangkang ipuslit sa New Bilibid Prison)

BINIGO ng Bureau of Corrections (BuCor) kahapon ang tangkang pagpuslit na droga ng isang babaeng dalaw sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Kinilala ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., ang suspek na si Rovelyn Fabillar, isang registered visitor ng PDL na si Lester Martin Ramos na magpupuslit sana ng shabu na isinilid niya sa maselang bahagi ng katawan.

Ang nasabing kontrabando ay ibinalot sa condom at inilagay sa loob ng isang transparent plastic.



Ayon kay Catapang, nadiskubre ang droga sa isinagawang routine security inspection sa PDL visitors sa inmate visiting service unit (IVSU) – Maximum Security Compound at napansin ang mga irregularidad sa tiyan ni Fabillar.

Ang insidenteng ito ay nagpapapakita ng kahalagahan ng pagpapalakas ng security measures sa correctional facilities, partikular sa mga pagtatangka ng pagpupuslit ng droga.

Noong nakaraang taon, kumuha ang BuCor ng dalawang advanced full-body scanners na may kakayahang i-detect ang mga items na nakasilid o nakatago sa loob ng damit, maging ang mga kontrabando sa katawan ng mga dalaw.

Layon ng teknolohiyang ito na pasimplehan ang security process kung saan nabawasan ang pangangailangan sa strip searches at manual cavity checks, na nagdudulot ng pagiging hindi komportable at aksaya sa oras sa mga bisita at tauhan ng nasabing piitan.

Dinala na si Fabillar sa Muntinlupa PNP habang ang nakumpiskang items ay itinurnover sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa proper disposition.