December 23, 2024

DRIVER NG SUV NA MAY PLAKANG ‘7’ LUMUTANG SA LTO

Ryan San Juan

SUMUKO na sa mga awtoridad ang SUV driver na illegal na dumaan sa EDSA busway gamit ang pekeng plakang “7” na para sa mga senador, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

“Today I would like to announce that the mystery behind the ownership and the people behind the controversial SUV with a number 7 protocol plate on EDSA busway is already solved,” sabi ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.

“The driver and the registered owner of the SUV contacted us yesterday and informed us that they would show up and take responsibility for the unfortunate incident at Guadalupe, Makati,” dagdag niya.

Kinilala ang driver na si Angelito Edpan, 52, empleyado ng  Orient Pacific Corporation, ang may-ari ng puting SUV.

Ayon kay Edpan, naghahatid siya ng “investors” nang mangyari ang insidente pero hindi tinukoy kung sino.

Hindi rin umano alam ni Edpan kung papaano nakuha ang protocol plate “7,” na ayon sa LTO ay peke.

Ayon sa Orient Pacific Corporation, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon tungkol sa naturang bagay tungkol sa plaka.

SInabi ni Edpan, na may sakay siyang dalawang guest at isa pang company driver nang masita siya sa busway.

Hindi umano niya kilala ang mga nakasakay sa kaniya.

Humingi ng paumanhin si Edpan sa kaniyang ginawa pagdaan sa EDSA busway, na kaniya raw desisyon at walang ibang nag-utos.

“Wala po na nag-utos sa akin. Ano talaga, nagmamadali na ako. Sinubukan ko kasi akala ko noong Linggo walang ano kaya sinubukan kong pumasok,” paliwanag niya.

Sinabi naman ng Orient Pacific Corporation director na si Omar Guinomla na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.

“Our group came here to apologize to LTO and sa mga principals because of the incident. That’s our main purpose that’s why we are here,” ani Guinomla.