Swak ang isang 48-anyos na driver matapos saksakin ang dalawang kapwa niya driver sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang suspek bilang si Raul Macaspa, 48 ng Gen. Luna St., Brgy. San Agustin na nahaharap ngayon sa kaukulang kaso.
Sa imbestigasyon nina PSSg Diego Ngippol at PSSg Ernie Baroy, habang umiinom ng kape sina Junrel Laraga, 39 ng C. Arellano St., Brgy. San Agustin at Ernesto Tupas, 26 ng Blk 39 Lot 2 Dagat-dagatan, Caloocan City matapos ayusin ang pampasaherong jeep ni Laraga dakong alas-6:30 ng gabi sa No. 16 C. Arellano Street nang lumapit si Macaspa na armado ng patalim.
Sa hindi malaman na dahilan ay bigla na lamang inundayan ng saksak ni Macaspa si Laraga na tinamaan sa kaliwang braso habang tinangka namang umawat ni Tupas subalit, nahagip din siya sa kaliwang balikat ng huling ulos ng suspek.
Matapos ang insidente, mabilis tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong ang mga biktima sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 na mabilis na rumesponde sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto kay Macaspa.
Narekober sa suspek ang ginamit na patalim sa pananaksak habang isinugod naman ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan upang magamot ang tinamong saksak. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA