December 24, 2024

DPWH official na nagpaulan ng pera, dapat sampolan ng mega task force

Nakakagigil lang na malaman na isang opisyal ng DPWH ang kinasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa maluhong pamumuhay nito.

Itoy ang dapat na unahing imbestigahan ng Mega task force na binuo ni Pang.  Duterte na pinamunuan ni DOJ Sec. Meynardo Guevarra para siyasatin at kasuhan ang mga govt official na dawit sa korapsyon. 

Bagamat inabswelto agad ng Pangulo  si DPWH Sec. Mark Villar na kilala nya raw ito na hindi magnanakaw sa pondo ng bayan dahil mayaman na ang pamilya,  pero ang mga district engineers at iba pang opisyal ng DPWH ang  siyang naka-“payola” sa ilang mambabatas na may mga proyekto sa kani-kanilang distrito.

Sa nabasa kong complaint na isinampa ni Quezon province Councilor  Arkie Yulde sa Ombudsman, ipinagharap nito ng kasong administratibo at kriminal si DPWH Region 1 Dir. Ronnel Tan na umano’y nagpaulan ng tinatayang 2 hanggang 3 milyong piso sa mga bisita sa kanyang party kamailan.

Nilabag umano ni Dir. Tan ang probisyon ng Republic Act no. 6713 o the code of conduct and ethical standards for public officials and employees, partikular ang  section 4, na nagsasaad na ang public officials at kanyang pamilya ay dapat namumuhay ng katam-taman at hindi magarbo.

Ang party ay inihanda ng Dir. Tan at ng misis niyang si  4th  district Quezon Congresswoman Helen Tan sa kanilang bahay na dinaluhan nina Mayor Webster Letargo ng  Gumaca at Ferdinand Mesa ng Alabat.

Dahil sa labis na kasiyahan, nagpaagaw  diumano si Dir. Tan ng sandamakmak na pera sa mga bisita at napagalaman na may nag-aaway pa at nakakuha ng tig-100 thousand pesos at ang iba naman ay may 200-thousand pesos.

Nahaharap din si Tan sa kasong grave misconduct, graft, at  violation sa Republic Act no. 7160 or the local government code.

Ibinuko pa ni Yulde na ang mag-asawang tan ay nakatira sa isang “exclusive and luxurious subdivision” sa Quezon City, na 600 square meter property, na ang halaga ay hindi mabibili sa kanyang  sahod sa gubyerno.

Kung ganito kagalante ang ilang opisyal ng gobyerno, saan nito kinukuha ang pera kung ang sinasahod niya ay naaayon lang sa Salary Standardization Law?

Dapat maipaliwanag ito ni Dir. Tan para malaman ng publiko kung totoo o hindi ang nasabing pagpapaagaw ng milyun-milyong piso. 

Bukas po ang kolum na ito para kay Dir. Tan na ilahad ang kanyang panig.

Para sa inyong mga reaksyon, opinion at suhestyon sa kolum na ito, mag-send lang ng mensahe sa [email protected].