
MAYNILA — Nagbabaga ang pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon laban sa mga abusadong motovloggers sa kalsada: “Walang hearing-hearing. May video? Suspendido ka agad!”
Sa isang mainit na press conference nitong Lunes, Mayo 5, 2025, binalaan ni Dizon ang mga motovlogger na gumagamit ng social media para ipagyabang ang kanilang paglabag sa batas-trapiko. Ayon sa kalihim, agad na masususpinde ng 90 araw ang lisensya ng sinumang mahuling umaabuso sa daan — kahit gaano pa karami ang followers mo.
“Wala akong pakialam kung sikat ka, kung may isang milyong followers ka. Kung may video na pruweba ng pag-abuso mo sa kalsada, automatic suspendido ka. Hindi na kailangan ng imbestigasyon,” mariing pahayag ni Dizon.
Hinimok din ng DOTr chief ang publiko at media na i-video at i-post online ang anumang paglabag ng mga content creator sa lansangan. Tiniyak niyang agad-agad itong aaksyunan ng kanyang opisina.
“Bidyuhin niyo. I-post niyo. Makikita namin yan. Hindi kami magdadalawang-isip. Suspendido agad yan,” giit pa niya.
Nag-ugat ang matinding babala ni Dizon matapos ang viral road rage video ng sikat na motovlogger na si Yanna, kung saan nasangkot siya sa komprontasyon sa isang motorista sa Coto Mines, Zambales. Ang video na siya mismo ang nag-upload sa kanyang Facebook page ay umani ng matinding batikos mula sa publiko, kapwa vloggers, at ilang mambabatas.
Bagamat humingi na ng paumanhin si Yanna sa mga nasangkot at sa mga taga-Zambales, sinabi ni Dizon na hindi sapat ang sorry kung patuloy ang pagiging iresponsable sa kalsada.
“’Yung iba, sa pagmo-motor sila kumikita. Pag nawalan kayo ng lisensya, wala na kayong kita. Simple lang ’yan,” ani Dizon.
Ang patakarang ito ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng DOTr laban sa mga mapanganib na gawi sa lansangan, lalo na mula sa mga social media influencers na umano’y ginagawang content ang kanilang paglabag sa batas.
More Stories
MAGIC 12 SA SENADO DIKDIKAN – SURVEY
CUSTOMS PINURI NI MARCOS SA TAGUMPAY LABAN SA MONEY LAUNDERING
DOF, PINARANGALAN NI PBBM (Matapos matanggal ang PH sa FATF Grey List)