June 19, 2025

DOST Region 1, pinalakas ang inobasyon at kabuhayan ng OFWs sa unang iFWD PH project sa La Union

CITY OF SAN FERNANDO, La Union — Isang makasaysayang hakbang para sa pagbabalik at pagbangon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang isinagawa ng Department of Science and Technology Region 1 (DOST Region 1) sa pamamagitan ng DOST-La Union, matapos nitong pormal na pirmahan ang kasunduan para sa kauna-unahang iFWD PH (Innovations for Filipinos Working Distantly from the Philippines) project sa lalawigan.


Kasama sa nasabing proyekto ang Medmed Prints, isang customized digital printing business sa Bagulin, La Union na pagmamay-ari ni Gemma P. Saldo, dating OFW na walong taon nagtrabaho sa hospitality sector sa Gitnang Silangan.


Inspirado ng karanasan sa abroad at ang lumalaking pangangailangan sa abot-kaya ngunit de-kalidad na printing services, itinatag ni Saldo ang Medmed Prints na gumagawa ng personalized items tulad ng mugs, T-shirts, stickers, at invitation cards.


Matapos makumpleto ang Phase 1 ng iFWD PH noong 2024 na nakatuon sa business development, isinagawa na ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pangunguna ni DOST-La Union Provincial Director Jonathan M. Viernes para sa Phase 2, kung saan magbibigay ang DOST ng teknikal at pinansyal na suporta upang mapalawak at mapahusay pa ang produksiyon ng negosyo ni Saldo.


Ayon kay Viernes, ang kasunduan ay patunay ng matatag na ugnayan sa pagitan ng DOST at ng mga OFW-entrepreneurs para maisulong ang accountability, innovation, at community impact.

Inaasahang magbubukas ito ng mas marami pang oportunidad para sa mga OFWs na nais makapagsimula ng negosyo gamit ang agham at teknolohiya.


Sa ilalim ng temang “Providing Solutions, Opening Opportunities,” ipinapakita ng DOST Region 1 ang pagtutok nito sa inclusive innovation, na hindi lamang nagbibigay ng solusyon kundi nagsusulong rin ng pangmatagalang kabuhayan para sa mga modernong bayani ng bayan.

Sa pamamagitan ng iFWD PH, binibigyan ng bagong pag-asa at direksyon ang mga OFWs na gaya ni Ms. Saldo upang maging negosyante, innovator, at lider ng pagbabago sa kanilang komunidad.